d2 na me 2010

D2 na me 2010…alive and kicking! Pumipitik ang mga daliri sa keyboard ng aking pc. Wow! Wow! Wow! I survived 2009 at ngayon ay nagsisimula sa unang buwan ng bagong taon at bagong dekada. Bagyo, baha, jobless..pero eto buhay na buhay at nagsusumikap bumangon ngayong 2010.

Salamat sa Diyos! Buhay na buhay pa ako para gumawa ng mga blog article at

Salamat sa Diyos, andyan pa kayo para basahin ito.(Hug).

May katabi ka ba ngayon dyan sa iyong upuan? Maari mo bang sabihin.. “I love you and thanked God, andyan ka”.(hug or kiss)

Kamusta po ba ang inyong nakaraang taon?

Siguro ang iba ay masasabing naging maganda ang nagdaang taon para sa kanilang buhay, punong-puno ng kasiyahan at blessing mula kay Bro. ngunit, mayroon din naman magsasabing hindi naging maganda at punong-puno ng pagsubok ang nakaraang taon. Ang masaker, environmental threats, Global crisis. At syempre, hindi mawawala ang makulay na buhay-pag-ibig at problema sa pamilya.

Waaahhh! Paano na’to..katapusan na ba ng mundo? Parang hindi ko na kaya ito!

Agree ka ba kung sasabihin kong “You survived…we all survived 2009.”

Dahil sa ating pagsisikap, taimtim na panalangin, paniniwalang ang lahat ay magiging maayos at maganda, eto ay nagbunga ayon sa ating pagtitiwala.

Ibig sabihin lang, kung kaya natin lagpasan ang nakaraang taon, kaya rin natin ang mga susunod pa dito. Agree ba kayo?

Amen!

Hindi lang natin ito malalagpasan- may kahalo pang pag-asa, kasiyahan, kalakasan, buong siglang pagsisikap, pagtitiwala at pagmamahal. Dahil alam nating may handang gumabay sa atin at tumulong, punuan ang ating ‘di materyal na pangangailangan, akbayan at mahalin ng walang hanggan.

Ikaw…Tayong lahat ay mahal na mahal ng Diyos!

Sabihin nyo nga po ulit sa inyong katabi: “Mahal na mahal ka ng Diyos.”

At ngayong walang kasiguruhan ang dala-dala ng 2010 para atin… just Hold on, move on, at patuloy na mamuhay ng may pagtitiwala at pananampalataya na ang lahat ay magiging maayos dahil si Lord ang may hawak nito!

signature sandi

aTY 1st Anniversary

Happy  1st Anniversary ang Tanging Yaman!

namamasko po!

namamasko po!

Magandang araw po sa inyong lahat! Masayang masaya ako sa araw na ito, dahil ito ang unang araw na isinilang “ang tanging yaman”. Lubos ang aking pasasalamat kay Big Bro. na isinilang niya ito para makapag bigay ng liwanag at inspirasyon sa mga taong naglalakbay sa madilim na daan ng buhay, makatulong ng simple at maipadama ang Kanyang presensya sa mga taong may kakaibang sakit at sa mga taong nakakaramdam na sila ay nag-iisa sa kanilang pinadaraanan sa buhay.

Sa kabila ng napakarami kong pagkukulang, sa aking pagtalikod sa Kanyang tawag noon ay hindi Siya nagsasawang ako ay gabayan at kalingain. Kaya naman lubos ang aking pasasalamat kay Big Bro. at kay Ina’y Maria. Nagpapasalamat rin ako na binigyan ako ng pagkakataon na kahit dito at sa pamamagitan ng pagtulong ko sa aking kapwa ay mapaglingkuran ko Siya. Salamat at kahit papaano ay nakapag sponsor ako ngayong taon ng tatlong simpleng soup kitchen at makapagbigay ng konti sa mga taong nasa “hands of friendship”.  Kulang pa siguro ang aking ginawa kumpara sa pangangailangan ng aking kapwa at sa kabutihang pinapakita ni Big Bro. sa akin.

At syempre, Sa inyong lahat na aking mambabasa na naging mga kaibigan, maraming maraming salamat po sa inyong pagsuporta at walang sawang pagsubay-subay sa “ang Tanging Yaman”. Sa iba’t ibang blogger at blogsite na nagbigay ng pagkilala at parangal sa akin at sa aTY…maraming salamat po! Ang pinaka magandang regalong aking natanggap ay nadagdagan ang aking mga kaibigan.

Marami pa akong pangarap sa aty, gusto ko pang lumawak ang sakop nito at naaabot pero hindi sapat at limitado lang ang aking pondo kaya ipahintulot nyo po sanang makapaglagay ako ng donations button para sa page na “Hands of Friendship para mas marami pang matulungan at ang matitira ay para sa maintenance ng aty. Sa tuwing aking nakikita at nababalitaang nadagdagan ang mga may sakit, walang makain, walang matitirhan, mga taong naghahanap ng pang-unawa sa kanilang pinagdaraanan. Kailangan kong kumilos at sila ay abutin at tulungan para maiwasang sila at kanilang mahal sa buhay ay tuluyang lumayo at malimutan na mayroong Diyos na nakikinig sa kanilang panalangin at hinaing.

Anuman tulong ay labis naming ikatutuwa at bahala na po si Big Bro na gumanti sa inyong kagandahang loob.

Ipagpaumanhin nyo kung minsanan lang ako makadalaw sa inyong blog, hindi makareply sa inyong comment. Sa ngayon ang inyong lingkod ay dumadaan sa isang krisis at kailangan magtipid…sarling sikap ang trabaho ko ngayon..minsan meron,minsan wala. Umaasa lamang sa Kanyang dakilang awa at grasya. Salamat na lang andyan Siya palagi ang aking Tanging Yaman para ibigay ang aming pang araw-araw na pangangailangan.

God bless us all more this coming year 2010!

In prayer with Mary,

sandi

signature sandi

Sino ang Iyong Inspirasyon?

“Brothers and sisters, none of us lives for oneself, and no one dies for oneself. For if we live, we live for the Lord, and we if we die, we die for the Lord. So then, whether we live or die we are for the Lord.” -Romans 14

May mga taong nagbibigay inspirasyon sa napakaraming tao sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Tayo ay pwedeng humanga sa mga leader, athletes, scientist, geniuses, authors, actor and actress, artists.
Sinuman taong sinusubukang lagpasan ang kakayahan ng kanyang sarili ay nakakapukaw sa ating pansin at mapa-isip. Pinaparamdam sa atin na ang limitasyong binibigay natin sa ating mga sarili ay maari din nating malagpasan.

I admire people from all walks of life, Ang pagka-kawanggawa ni Mother Teresa na maraming hinipong mga tao, ang kadakilaan ni St. Francis of Assisi, ang mga relihiyosong nagbuwis ng kanilang mga buhay para ikalat ang Kristyanismo sa buong mundo. Ang mga taong iniisip muna ang kapakanan ng iba kaysa sa kanyang sarili, tulad na lang ng mga taong sinuong ang panganib, naglaan ng panahon at oras nitong mga nakaraang kalamidad para lang makapag salba ng buhay, makapagdala ng gamot at pagkain. Ang mga taong ipinaglalaban ang pagpapahalaga sa buhay, kalayaan at karapatan ng bawat nilikha, si Nelson Mandela, sina Mahatma at Indira Gandhi, sina Ninoy at Cory Aquino at ang ating mga bayani.

Ang aking pinaka-mamahal na nanay at tatay ay nagsisilbing inspirasyon sa akin. Ang kanilang kasipagan, katapangan at walang hanggang pang-unawa ang siyang nagbibigay sa akin na magtiwala sa aking sarili at kakayahan. Ako rin ay humahanga sa ibat-ibang tao, sa aking mga kaibigan, kapwa blogger na sa pamamagitan ng kanilang pagsusulat at iba’t ibang sariling paraan ay unti-unting tinataas ang antas ng pagpapahalaga at pag-kalinga sa lahat ng buhay na binigay ng Diyos.

Sino ang nagbibigay inspirasyon sa iyong buhay? Nawa’y ang mga hinahangaan natin ay hindi lang magsilbing ating idolong tinitingala kungdi magsilbing paalala sa ating kakayahan. Hindi nating kailangan gumawa ng extra ordinaryo para makapa mamuhay ng extra ordinaryo, hindi natin kailangan ang iba’t ibang pananaw ng mundo sa lahat ng ating ginagawa para ito ay maging mahalaga. Ang ating pagpapahalaga sa paglago at pagbabago bilang indibidwal ang siyang importante.

Sino ang iyong inspirasyon?

Para sa mga hindi pa nakikita ang videong ito: you are the light

signature sandi

Panalangin 2

Sa tuwing tayo’y nakikipag-usap sa ating mga kaibigan para bang ang oras ay hindi nating namamalayang lumilipas. Ganito rin ang gusto ng ating Diyos tuwing tayo ay nakikipag-usap sa Kanya, ang ituring Siyang hindi iba sa atin, ang ituring Siyang bilang kaibigan, hinahangad Niya na katulad din ng pakikipag-usap natin sa ating mga mahal sa buhay, kaibigan saan man lugar at anumang oras nating silang nakita. Ang panalangin ay pakikipag-usap, hindi pagsasalita na para bang wala kang kausap.

Ang pakikinig ay nangangailangan ng pagsasanay, lalo na ang pakikinig sa sinasabi ng ating Diyos.  Sa ating pakikipag-usap sa Kanya, kailangan mong maupo katulad ng pag-upo mo kapag alam mong matagal kayong mag-uusap na iyong kaibigan. Isalarawan mong katabi mo sa iyong upuan si Hesus. Sabihin mo lahat sa Kanya ang iyong nararamdaman, ang iyong inaasahan, ang iyong takot, pangarap, mga katanungan gumugulo sa iyong isipan, ilabas mo lahat ang iyong saloobin. Pwede kang umiyak, tumawa, mag-biro, isandal sa Kanyang balikat ang iyong ulo. Ipanatag mo ang iyong sarili sa piling ng ating Diyos at pakinggan ang anumang sasabihin Niya sa pamamagitan ng iyong puso. Kahit na wala kang marinig, damahin mo pa rin ang katahimikan sa piling Niya.

Maging bukas ang ating puso at isipan sa ibat-ibang paraang pwedeng sagutin ang ating panalangin. Ito man ay sa pamamagitan ng panonood ng tv, sa pagbabasa ng libro, sa ating mahal sa buhay, kaibigan, makakasalubong sa daan, sa ating pakikipag-usap sa ibang tao, isang pangyayari, salita sa biblia, at kahit na sa mumunting paraan ay pwedeng sagutin ang ating panalangin. Hindi man Niya tayo sagutin sa pamamagitan ng malakas na tinig, kungdi ng isang maliit na boses, siguruhin nating tayo ay nakikinig sa Kanyang sinasabi sa atin. Habang ikaw ay nakikinig, matutunan mong kung papaano mapalapit sa Diyos, isang pagtatagpong magbibigay kasiyahan sa matagal ng hinahangad ng iyong puso.

signature sandi

TY

TY

signature sandi

Isabit at Ipagkatiwala

May isang lalaking pagkatapos ng isang araw ng pagtatrabaho bago pumasok sa kanyang tahanan, ay dumadaan muna sa isang malaking puno sa harapan ng kanyang bahay. Sa kanyang pagdaan, dahan-dahan niyang aabutin at hihipuin ang mga sanga nito.

Ginagawa niya ito para “mentally” ay isabit ang kanyang problema sa mga sanga nito at huwag na niyang dalhin sa loob ng kanyang tahanan. Iniiwan niya ang kanyang problema sa pag-aakalang kapag ito ay mahalaga, makikita niya pa rin ito bukas ng umaga. Ngunit dumaan ang maraming umaga, ang lahat ng kanyang sinabit ay nawala.

Sa totoo lang, ang isabit at iwan ang problema sa malaking puno ay hindi madaling gawin.

Kapag may gusto akong ipagkatiwala sa Diyos,naka-ugalian ko ng gawin noong bata ako, ang isulat ko ang aking panalangin. Pag natapos ko ng isulat sa isang papel ay ilalagay ko sa isang maliit na bag at isasabit sa itaas ng kisame ng aking kuwarto. Ang prinsipyo, kapag nagsimula akong problemahin ang panalangin ko sa Diyos, kailangan ko akyatin ang bag sa kisame at kunin ang papel na aking sinulatan. Hindi ko masabi kung gaano ko katagal nakukuha ang bag at ang papel na aking sinulatan.

Ang gamitin ang Diyos para ipagkatiwala ang ating mga problema at pag-aalala ay kailangan ng mahabang pasensiya at maraming pagsasanay para matutunan. Kapag ating nakasanayan, ang lahat ng ito ay magbubunga ng isang kaalaman at kapayapaan na palagi nating kasama ang ating Diyos, nakahanda palaging tulungan tayo sa ating mabibigat na dalahin.

signature sandi

Abutin Ang Hangarin

Bigyan natin minsan ng pansin ang nilalaman ng ating mga isipan, itahimik ito sandali at linisin ang mga matagal ng gumugulo dito. Ang ganitong gawain, bagaman simple ay napaka epektibong paraan para sa isang sariling pagbabago.

Mahirap man aminin, minsan tayo ay punong-puno ng pagkukunwari, kasalanan, kahihiyan, at iba pang kalituhan na nagiging sagabal para makita natin ang katotohan at reyalidad ng buhay. Ang ating mga sariling ego ang siyang gumagawa nito sa atin para huwag natin tignan ang ating mga pagkakamaling nagagawa.

Para matupad ang ating hangarin, kailangan nating pag-aralan na isang-tabi ang ating mga ego, pag-aralan nating isuko ang ating mga hangarin sa ating Panginoon at hayaan Siyang kumilos para sa atin, at magtiwala tayo na ito ay Kanyang bibigyan ng pansin sa Kanyang tinakdang panahon.

Habang ang proseso ay ating natutunan ang ibang bagay ay sumusunod- ang ating kalooban ay gumagaan, at ating isipan ay nagkakaroon ng kapayapaan, ang ating mukha ay umaaliwalas.

Palagi nating tatandaan na ang ating Panginoon ay hindi tayo kailanman hinusgahan, ito ay likha lamang ng ating sariling isipan. Ang matupad ang lahat ng ating hangarin ang siyang nais Niya para sa atin.

Sa Isang Makipot na Daan

May isang babae ang biglang napatigil sa kanyang paglalakad sa isang makipot na daan. Ang daan na ito ay kilala sa kanyang maraming pangalan, minsan ito ay tinatawag na Buhay, Paglago, Pananampalataya, Kasiyahan… Ang babae ay nakatayo sa daan, may tinitignan sa hindi kalayuan.  Ang nakita nya ay napakalaki, isang nakakatakot na toro at ito ay nakaharang sa kanyang daraanan. Alam nya, na kung gusto nyang magpatuloy ang kanyang paglalakbay, kailangan nyang daanan ang malaking hayop na ito. Takot ang kanyang naiisip. Ilang oras na rin ang lumipas, nakatayo pa rin ang babae sa daan, tinitignan ang malaking toro, nagdadasal at umaasa na sana ito ay umalis sa kanyang daraanan para naman makapagpatuloy na siya sa kanyang paglalakbay. Ngunit, walang nagbago, maliban sa isang tinig na kanyang narinig, “Gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para makapagpatuloy ka sa iyong paglalakbay.”

Iyon ang oras na huminga s’ya ng malalim, inipon ang kanyang lakas, at nagdesisyong alisin ang malaking toro sa daan. Alam n’ya na kung gagawin nya ito, kailangan n’yang tanggapin ang anumang kahihinatnan ng kanyang desisyon, masama man o mabuti. Dahil nabuo na ang kanyang desisyon na tanggapin ang responsibilidad kung anuman ang mangyari sa kanya, inalis n’ya sa kanyang puso at isipan ang pagdududa at takot, at siya’y naglakad patungo sa hayop, hinawakan ang sungay, at nagwika, ” Malaking toro! Kailangan mong umalis sa aking daraanan, kung hindi ay, ako ang iyong makakalaban.  Ano ang gusto mo sa dalawa?”

Hindi makapaniwala ang babae sa mga sumunod na nangyari. Ang malaking toro ay biglang na-upo sa daan at nagwika sa babae. “Bakit ba ang tagal mong makarating dito? Kanina pa ako nakatayo at naghihintay para bigyan ka ng masasakyan, Sumakay ka na sa aking likuran at ituro mo sa akin kung saan ka pupunta.”

wakas :)

sumulat:  anonymous

Ito po ay isang repost..orihinal kong nilathala sa aking lumang blog site noong March 13  2009, Nais ko muling ibahagi uli sa inyo lalo na sa mga hindi pa nakakabasa.

salamat po!