Shhhh…

DSC06749

Busina rito…busina roon! Walang tigil si mamang driver at konduktor sa pag-iingay para sila ay mauna sa jeepney/bus stop at mapansin ng mga pasaherong nag-aabang ng sasakyan. “Maghintay ka, nauna ko rito!” sagot ng na unang driver. Ganito madalas ang eksenang mapapansin natin kapag tayo ay nasa mataong lugar ng Metro Manila. May ordinansa ba tayo para sa noise pollution? Ang malabis na ingay na ating naririnig ay hindi maganda sa ating kalusugan.

May mga eksena rin sa ating trabaho na tayo ay nagmamadali at naghahabol sa deadline…walang tigil na follow up.
“Hindi pa ba tapos ang project na pinagagawa ko? Naku lagot na ako nyan sa customer”
“Nasaan na iyong report na pinagagawa sa akin ni Boss? pinasusubmit na sa akin mamaya”
“Dumating na ba iyong nirequest ko? Ang tagal naman..bakit wala pa?”

Sa ating buhay, kailangan din nating makaramdam ng katahimikan, maging mahinahon at maghintay.
Katulad ng nakasulat sa Psalm 46: “Be still and know that I am God.”
Napakaraming kahulugan sa wikang Filipino ng salitang “Be still”, para sa akin, pwedeng ang kahulugan nito
ay tumahimik, huminahon, huwag kumilos, manatili at mag-hintay. Alin man dito ay may dala-dalang tulong sa ating mga nagmamadali, naguguluhan sa ating buhay,
Sa mga may problema sa pamilya at pinansyal.

Ang wika ng Kaibigan kay Andoy sa panaginip:
Ipanatag mo ang iyong isipan at magtiwala ka sa Akin. Ako ang bahala sa lahat ng mga ito. Gagawin ko ang lahat para sa iyong kabutihan
kung magtitiwala ka lamang sa akin.


Minsan, nasosobrahan tayo sa pagsasalita. Ang gusto natin ay masabi nating lahat sa Kanya ng isang upuan lamang ang ating mga problema, ang lahat ng ating
Kailangan, ang lahat ng taong maysakit at naguguluhan na pinangakuan nating ipagdarasal.

Sa pagpapatuloy ng panaginip ni Andoy, nagwika sa kanya ang Kaibigan.
Ang lahat ng mga gusto mong sabihin sa Akin ay alam ko na bago pa ito bigkasin ng iyong bibig. Tama ka, gusto kong dalhin mo lahat sa Akin ang lahat ng iyong pasanin, dahil Ako na rin ang nagsabi sa inyong Ipaubaya nyo lahat sa akin ang inyong pasan at alalayan ko kayo (salmo 55:23). Pero kailangan bang sa isang upuan lamang? Bakit hindi ka huminahon..ipanatag ang iyong isipan at makinig sa Akin para maiba naman. Magtiwala ka..at pakinggan ang aking sasabihin na kailangan mong marinig.

May pagkakaton na tayo ay nanghihina at nawawalan ng tiwala sa sarili. Ang mga maling gawang pilit nating inaalis ay inuulit lamang nating gawin. Ang pangako at New Years Resoulution natin ay hindi naman nating natutupad. Parang walang pagbabago at paglago ang ating buhay. Nagiging mareklamo tayo sa lahat ng paghihirap na dumarating sa ating buhay.

Muli, ang wika ng Kaibigan kay Andoy…
huminahon ka, tumahimik at maghintay. Sa ganitong pagkakataon ng inyong buhay kayo lumalago at nagbabago. Kapit ka lang… hindi mo pa siguro ito mararamdaman o makikita, pero Ako ay kumikilos sa iyong buhay. Ang mga maliliit na krus na Aking binibigay sa iyo ay hindi ordinaryong krus na pinulot ko lamang sa tabi-tabi. Walang kabuluhan at saysay ang mga krus na ito sa ibang tao dahil ito ay sadyang pinagawa ko para sa iyo lamang. Para makatulong sa iyong paglago at araw-araw na buhay. Pero kung ang lahat ng aking ginagawang pagtulong ay hindi mo papansinin at tatangapin, ang lahat ng ito mawawalan ng halaga. Kaya, huminahon ka at tanggapin lahat ang binibigay Ko sa iyo.Palagi mo sanang tandaan kaibigan, Ako ang Diyos, hindi ikaw. Ako ang magtatama ng lahat ng mga pagkakamali sa iyo.

Itinuro sa ating lahat na ang salita ng Diyos ay “tanglaw sa ating paa at liwanag sa ating daraanan.”(salmo 119:105),
Tanging ang Diyos lamang ang palaging may naka handang kasagutan sa bawat pangyayari sa ating buhay, mula sa mga taong maysakit,
Problemang pinansyal at pamilya, at hanggang sa mga araw na hindi tayo makatulog.

Shhhh….Be still!

signature sandi

Simulan Sa Iyong Sarili

Kapag pinagmamasdan natin ang ating mundong ginagalawan, marami tayong naiisip na gusto nating baguhin. Minsan, nakakalungkot isipin kapag ang problema ay tila ba wala ng lunas- digmaan, kahirapan, kawalan ng trabaho, pababago ng klima. Ang iba sa atin ay tumatayo para ipag-laban ang mga kanilang paniniwala at ang iba naman sa atin ay sumusuko na lamang dahil sa tingin nila ay imposibleng magkaroon pa ng pagbabago. Lingid sa iba, may paraan pa para baguhin ang ating mundong ginagalawan..ito ay ang suriin at baguhin ang ating mga sarili.

Kapag binago ko ang aking pananaw, maraming magagandang nangyayari sa aking buhay..ang aking ginagalawan ay nababago rin. Ang ating mga pananaw ang siyang lumilikha ng ating reyalidad.

Kung palagi nating bibigyan ng pansin ang mga kamalian,takot,kawalan at pagkawalay,ito palagi ang ating makikita. Kung sisimulan nating bigyan ng pansin ang pagbibigay halaga at pagpapasalamat, nagkakaroon tayo ng kamalayan na makita ang mga araw-araw na blessings sa ating buhay. Ang makuntento,pahalagahan at ipagpasalamat ang mga bagay na binigay sa atin ay nagbibigay sa atin ng lubos na pagmamahal sa ating mga sariling buhay na siyang ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

Habang ang ating magandang pananaw sa buhay ay lumalawak, nagiging natural na lang sa atin ang kaagad kumalinga sa ating mundong ginagalawan.

Kung nais natin ng pagbabago, simulan natin sa ating mga sarili. Kung nais nating makita ang kagalakan, kapayapaan at pag-ibig sa iba, humanap tayo ng paraan para ito ay maibigay sa iba at ibigay ng mas higit pa sa binibigay nating pagmamahal sa ating mga sarili. Sa ating paglago palagi nating piliin ang magmahal, magpatawad at umunawa.

Abutin Ang Hangarin

Bigyan natin minsan ng pansin ang nilalaman ng ating mga isipan, itahimik ito sandali at linisin ang mga matagal ng gumugulo dito. Ang ganitong gawain, bagaman simple ay napaka epektibong paraan para sa isang sariling pagbabago.

Mahirap man aminin, minsan tayo ay punong-puno ng pagkukunwari, kasalanan, kahihiyan, at iba pang kalituhan na nagiging sagabal para makita natin ang katotohan at reyalidad ng buhay. Ang ating mga sariling ego ang siyang gumagawa nito sa atin para huwag natin tignan ang ating mga pagkakamaling nagagawa.

Para matupad ang ating hangarin, kailangan nating pag-aralan na isang-tabi ang ating mga ego, pag-aralan nating isuko ang ating mga hangarin sa ating Panginoon at hayaan Siyang kumilos para sa atin, at magtiwala tayo na ito ay Kanyang bibigyan ng pansin sa Kanyang tinakdang panahon.

Habang ang proseso ay ating natutunan ang ibang bagay ay sumusunod- ang ating kalooban ay gumagaan, at ating isipan ay nagkakaroon ng kapayapaan, ang ating mukha ay umaaliwalas.

Palagi nating tatandaan na ang ating Panginoon ay hindi tayo kailanman hinusgahan, ito ay likha lamang ng ating sariling isipan. Ang matupad ang lahat ng ating hangarin ang siyang nais Niya para sa atin.

Sa Ating Paglago

“Lumago kang kilala Siya at malapit sa ating Diyos dahil Siya ang ating Tanging Yaman.”

rainnyMay isang istorya ng isang “acorn nut” na nahulog sa loob ng isang lata at natabunan ng lupa. Dumaang ang mga araw, isang maliit na talbos  ang sumibol at tumulak papalabas ng lupa. Ang bagong sibol na talbos ay kumuha ng tamang-tama sustansiya para siya ay lumago at mabuhay. Maraming taon ang dumaan, ang maliit na  acorn na binalewala ang tigas ng lata ay naging isang malaking puno kung tawagin ay “oak tree”.

Araw-araw tayo ay nabibigyan ng hindi mabilang na pagkakataon para samantalahin na mag-simula muli. Ang bagong simula ay dumarating kapag may natapos na ibang pangyayari sa ating buhay. Kapag hinayaan natin ang ating mga kasalanan ay mawala sa ating mga puso, tayo ay nagkakaroon ng panibagong buhay kasama ang ating Panginoon. Tayo ay lumalago katulad ng isang mataas at matibay na puno, na nagsimula sa isang maliit na binhi.

Katulad ng isang maliit na binhi, tayo ay unti-unting lumalago ng hindi growing on you 5nating namamalayan. Tayo ay nabubuhay dahil sa Kanyang dakilang pagmamahal at pagkalinga sa ating lahat. Hindi Niya pinangako na palaging bughaw ang kalangitan at hindi rin Niya pinangako na palaging sisikat ang araw, bagkus Kanyang pinangako na tayo ay Kanyang palaging sasamahan at kakalingain sa oras ng kadiliman at unos na sasapit sa ating buhay.

“Minsan ang akala nating katapusan, ay siya palang umpisa pa lamang ng isang bagong simula.”- anonymous

Ituon ang Iyong Isip

May isang istorya tungkol sa isang panang lumilipad patungo sa inasintang lugar ng kanyang amo. Maya-maya ang panang matuling gumagalaw ay biglang tumigil sa kalagitnaan ng kanyang paglipad para tignan kung gaano na kalayo ang kanyang narating, kung gaano kataas ang kanyang nililipad, kung gaano siya kabilis kumpara sa ibang pana at kung gaano siya kagandang lumipad. Ng ibalik na ng pana ang kanyang pokus sa lugar na inasinta, siya ay bumagsak sa lupa.

Ang malabis na pag-tuon natin sa ating sarili ay hindi makabubuti para marating natin ang hinahangad na layunin. Ito ay nagsisilbing kabaligtaran ng kababaang-loob, at pagkilos na kasama ang ating Panginoon.

Ilang beses na ba nating kinumpara ang ating sarili sa iba at sukatin ang ating tagumpay at pag-bagsak ayon sa buhay ng iba? Ang ganitong gawain ay hindi gusto ng ating Panginoon. Ang Kanyang dahilan kung bakit ayaw Niyang ikumpara natin ang ating sarili sa iba ay dahil ang Kanyang mga plano sa ating buhay ay iba-iba. Kung may gusto tayong alamin tungkol sa ating buhay, marapat lamang na Siya ay ating lapitan at kausapin.

Kung ating susuriin ang ating mga sarili, kailangan natin tignan ang ating mga puso, siguruhin natin na tayo ay naglalakad ng may pagtitiwala at pagkadalisay patungo sa Kanya.

Hinihikiyat Niya rin tayong gamitin ang lahat ng ating mga talento, regalo at narating sa buhay para sa Kanyang ikararangal. Dahil sa panahon natin ngayon, sa ating kasalukuyang sistema ng buhay, marami sa ating ang nabubuhay bilang profitsyunal imbes na proffesional.

Ang gantimpala ng isang ganap na Kristiyanong buhay kapag inalay natin ang ating buhay sa ating Panginoon at ibang tao, tayo ay makatatangap ng isang masasabi nating totoong kaligayahan at katuparan. Habang hinahawakan naman natin ang ating sariling buhay at nagiging maka-sarili tayo sa ating hangarin at kagustuhan, tayo ay nagiging kahabag-habag.

Sinusuri man nating ang ating mga puso o ginagamit ang talento at regalo na bigay ng ating Diyos. Marapat lamang na lagi nating ituon ang ating isip at puso sa Kanya. Tanungin natin Siya kung ano ang Kanyang plano sa ating buhay dahil Siya ang ating Tanging Yaman.

Sa Bawat Pagtatapos ng Araw

Madalas, tayo ay nagmamadaling magdasal bago kumain, bago mag-umpisa ng ating kanya-kanyang trabaho, bago nating subukan ang isang bagay na ngayon pa lang nating gagawin o bago umalis papunta sa isang malayong paglalakbay. Ninanais lagi nating makapag-umpisa sa tamang hakbang, kaya hinihingi lagi natin sa ating Panginoon na tayo ay Kanyang tulungan, protektahan at pagpalain. Ngunit minsan, nakakalimutan nating magdasal sa bawat pagtatapos ng ating araw-araw na gawain, paglalakabay at trabaho.

Ang dasal natin sa oras na ito ay pinagbubugkos ang ating mga gawa at dinadala tayo na kilalanin ng buong buo ang ating mga natanggap mula sa Kanya na ating pinakiusap. Imbes na dasal ng petisyon sa pagtatapos ng araw, gawin naman natin ito ay maging dasal ng pasasalamat at pagpupuri sa Kanya.

Ang malaman natin na ang ating Panginoon ay kasama natin ngayon at bukas ay muli nanaman natin Siyang kasama, ay mararating natin ang bawat gabi ng may kapayapaan, kalayaan at may kasiyahan.

Isang Mapagpalang Gabi Po sa Inyo!

Hindi Lubhang Mabigat

Sa aking huling paskil, sa huling talata nag-iwan ako sa inyo ng salitang “lagi nawa nyong damahin ang presensiya ng ating Panginoong Diyos.” Ang iba siguro sa atin ay nagtatanong kung talaga bang kasama natin ang ating Panginoon sa ating pang araw-araw na buhay. Kasama ba talaga natin Siya sa eskwelehan? sa trabaho? sa mall? sa panonood ng sine at sa kung saan saan at anu ano pang ating pinagkaka abalahan?

Sa bawat araw, sa bawat hakbang na ating ginagawa sa ating buhay ang ating Panginoon ay palaging nakaalalay sa atin, palagi Niyang ninanais na tayo ay palaging makasama saan man tayo magpunta. Mararamdaman natin ang Kanyang presensiya at mararanasan natin ang kakaibang kapayapaan, kahit na tayo ay nakikihalubilo lang sa ating mga kaibigan. Wala tayong dapat ikalungkot kahit na tayo ay nag-iisa. Kailangan lang matutunan nating damahin ang Kanyang presensiya saan man tayo magpunta dahil palagi Siyang naghihintay, at hindi lang sa simbahan kungdi, kahit saan at anumang oras ay pwede natin Siyang maramdaman.

“Bakit ba ganito, hindi na ako nawalan ng problema samantalang panay naman ang aking dasal sa Kanya?” tanong ni Belinda.

“E ano ba ang pinagka- iba ng hindi mo Siya kilala at ngayong kilala mo na Siya?” tanong ulit ni Belinda sa kanyang kaibigang si Auring.

“well, may problema pa rin tayo. Ang kaibahan lang ngayon, ay may tiyak tayong kasama sa lahat ng ating mga pinagdadaanan at dinadalang mabigat na problema.” sagot ni Auring.

Ang kabiguang nadarama ni Belinda ay nauwi sa pag-uusisa. “Ang ibig mong tukuyin ay ang Diyos”.

“Oo” sagot ni Auring.

“Ipa-pasa Niya ba ako sa darating kong eksams? Maaayos Nya ba ang hidwaan namin ng aking mommy?” tanong ni Belinda.

Maingat at buong paggalang na ipinaliwanag ni Auring ang pangako ng ating Panginoon na palaging nasa ating tabi sa anumang oras.

“Belinda, matagal na rin pala ang panahon na sinosolo mo ang pagpapatakbo mo ng iyong buhay, hayaan mo naman Siya ang magpatakbo ng iyong buhay para maiba naman.” dagdag ni Auring.

Kapag nadama natin sa ating buhay ang ating Panginoon, hindi lang nawawala ang ating problema kungdi nagkakaraon tayo ng ibang pananaw sa buhay. Ang ating Panginoon ay tuturuan tayong pagaanin ang ating mga mabibigat na dalahin. Ang lahat ng ating mga problema ay magiging magaan dahil nasa tabi natin Siya.

Huwag Kang Mangamba Aking Kaibigan

Natatakot ka ba? Walang masama kung ikaw ay may pangambang dinadala sa iyong kalooban. Ayon sa mga relihiyoso, normal lang sa atin na makaramdam ng pangamba sa ating mga pinagdadaanan. Katulad na rin ng nangyari sa mga disipulo habang sila ay nakasakay sa isang bangka, kasama si Hesus. ( Lukas 8:22-25)

Huwag lang nating kalilimutan na kasama natin Siya sa ating bangkang sinasakyan. Hindi tayo nag-iisa at wala tayong dapat ipangamba. Ang paglalakbay ay magpapatuloy at ang maalong dagat ay kakalma dahil sa Kanya.

Kahit ako, ay nakakaramdam ng pangamba sa aking mga pinagdadaan. Kaya minsan, nagdadalawang isip akong ituloy ang aking paglalakabay. Ngunit ang daan aking iniiwasan ang sadyang nais ng Kaibigan kong lakaran ko, dahil kahit anong iwas ko, dito pa rin ako lalabas.  Kahit sinong makilala ko,  dito at dito pa rin ako ituturo.

Parang ang Panginoon ay nakikipag-usap sa akin, Dahil sa mga pangyayari nitong nakaraang linggo na magkakatugma, ang mga pagbasa sa ebanghelyo, ang kaibigang hindi ko naman pinili at nito ko lang nalaman na may kaugnayan pala sa “tawag” na aking tinutugon, ang siyang nagbigay sa akin ng inspirasyon na ituloy na ang gawaing ito.

Kaya, Gumawa po ako ng isang video na inahahandog ko po para sa inyong lahat na aking mga kaibigan, sa tunay na mundo, sa blogosperyo…. at sa aking mga espesyal na mga kaibigang may karamdaman at sa kanilang pamilya, sa mga batang kalye, sa mga dukha ng mga dukha, sa iba pa.

Alam kong ang iba sa inyo ay hindi ito mapapakinggan dahil sa inyong karamdaman, ngunit umaasa ako na maramdaman nyo lagi ang presensiya ng ating Panginoon sa inyong buhay at umaasa ako na darating  din ang araw na ito ay inyong mapapakinggan.

artist: Himig Heswita
Album: Your Dwelling Place

Huwag Kang Mangamba



(lyrics)

Chorus:
Huwag kang mangamba.
Di ka nagiisa.
Sasamahan kita.
Saan man magpunta.
Ika’y mahalaga.
Sa aking mga mata.
Minamahal kita.
Minamahal kita.

Tinawag kita sa iyong pangalan.
Ikaw ay Akin magpakailanman.
Ako ang Panginoon mo at Diyos.
Tagapagligtas mo at tagatubos.

(repeat chorus)

Sa tubig kita sasagipin.
Sa apoy ililigtas man din.
Ako ang Panginoon mo at Diyos.
Tagapagligtas mo at tagatubos.

(repeat chorus)


Pagpalain nawa kayo lagi ng ating Panginoong Diyos at lagi nyo sanang damahin ang presensiya ng ating Panginoon Diyos.

Maraming Salamat po sa Inyo! Mahal ko po kayong lahat ;)