Busina rito…busina roon! Walang tigil si mamang driver at konduktor sa pag-iingay para sila ay mauna sa jeepney/bus stop at mapansin ng mga pasaherong nag-aabang ng sasakyan. “Maghintay ka, nauna ko rito!” sagot ng na unang driver. Ganito madalas ang eksenang mapapansin natin kapag tayo ay nasa mataong lugar ng Metro Manila. May ordinansa ba tayo para sa noise pollution? Ang malabis na ingay na ating naririnig ay hindi maganda sa ating kalusugan.
May mga eksena rin sa ating trabaho na tayo ay nagmamadali at naghahabol sa deadline…walang tigil na follow up.
“Hindi pa ba tapos ang project na pinagagawa ko? Naku lagot na ako nyan sa customer”
“Nasaan na iyong report na pinagagawa sa akin ni Boss? pinasusubmit na sa akin mamaya”
“Dumating na ba iyong nirequest ko? Ang tagal naman..bakit wala pa?”
Sa ating buhay, kailangan din nating makaramdam ng katahimikan, maging mahinahon at maghintay.
Katulad ng nakasulat sa Psalm 46: “Be still and know that I am God.”
Napakaraming kahulugan sa wikang Filipino ng salitang “Be still”, para sa akin, pwedeng ang kahulugan nito
ay tumahimik, huminahon, huwag kumilos, manatili at mag-hintay. Alin man dito ay may dala-dalang tulong sa ating mga nagmamadali, naguguluhan sa ating buhay,
Sa mga may problema sa pamilya at pinansyal.
Ang wika ng Kaibigan kay Andoy sa panaginip:
Ipanatag mo ang iyong isipan at magtiwala ka sa Akin. Ako ang bahala sa lahat ng mga ito. Gagawin ko ang lahat para sa iyong kabutihan
kung magtitiwala ka lamang sa akin.
Minsan, nasosobrahan tayo sa pagsasalita. Ang gusto natin ay masabi nating lahat sa Kanya ng isang upuan lamang ang ating mga problema, ang lahat ng ating
Kailangan, ang lahat ng taong maysakit at naguguluhan na pinangakuan nating ipagdarasal.
Sa pagpapatuloy ng panaginip ni Andoy, nagwika sa kanya ang Kaibigan.
Ang lahat ng mga gusto mong sabihin sa Akin ay alam ko na bago pa ito bigkasin ng iyong bibig. Tama ka, gusto kong dalhin mo lahat sa Akin ang lahat ng iyong pasanin, dahil Ako na rin ang nagsabi sa inyong Ipaubaya nyo lahat sa akin ang inyong pasan at alalayan ko kayo (salmo 55:23). Pero kailangan bang sa isang upuan lamang? Bakit hindi ka huminahon..ipanatag ang iyong isipan at makinig sa Akin para maiba naman. Magtiwala ka..at pakinggan ang aking sasabihin na kailangan mong marinig.
May pagkakaton na tayo ay nanghihina at nawawalan ng tiwala sa sarili. Ang mga maling gawang pilit nating inaalis ay inuulit lamang nating gawin. Ang pangako at New Years Resoulution natin ay hindi naman nating natutupad. Parang walang pagbabago at paglago ang ating buhay. Nagiging mareklamo tayo sa lahat ng paghihirap na dumarating sa ating buhay.
Muli, ang wika ng Kaibigan kay Andoy…
huminahon ka, tumahimik at maghintay. Sa ganitong pagkakataon ng inyong buhay kayo lumalago at nagbabago. Kapit ka lang… hindi mo pa siguro ito mararamdaman o makikita, pero Ako ay kumikilos sa iyong buhay. Ang mga maliliit na krus na Aking binibigay sa iyo ay hindi ordinaryong krus na pinulot ko lamang sa tabi-tabi. Walang kabuluhan at saysay ang mga krus na ito sa ibang tao dahil ito ay sadyang pinagawa ko para sa iyo lamang. Para makatulong sa iyong paglago at araw-araw na buhay. Pero kung ang lahat ng aking ginagawang pagtulong ay hindi mo papansinin at tatangapin, ang lahat ng ito mawawalan ng halaga. Kaya, huminahon ka at tanggapin lahat ang binibigay Ko sa iyo.Palagi mo sanang tandaan kaibigan, Ako ang Diyos, hindi ikaw. Ako ang magtatama ng lahat ng mga pagkakamali sa iyo.
Itinuro sa ating lahat na ang salita ng Diyos ay “tanglaw sa ating paa at liwanag sa ating daraanan.”(salmo 119:105),
Tanging ang Diyos lamang ang palaging may naka handang kasagutan sa bawat pangyayari sa ating buhay, mula sa mga taong maysakit,
Problemang pinansyal at pamilya, at hanggang sa mga araw na hindi tayo makatulog.
Shhhh….Be still! ![]()


