Ano ang Silbi?

Isa pong paalala para sa mga nais maglingkod sa ating bayan:

Ano ang silbi ng kapangyarihan
kung ito’y gagamitin lang sa mga maliliit, mahihina at walang kalaban-laban.
Ang kapangyarihan ay regalo mula sa Itaas,
hindi para gamitin sa mga mahihina at walang kalaban-laban,
kundi para magsilbi sa mga ito ng walang hinihintay na anumang kapalit.

Ano ang silbi ng karunungan,
kung ito’y gagamitin para manloko ng ating kapwa.
Ang karunungan ay regalo mula sa Itaas,
hindi para manloko ng ating kapwa,
kundi para turuan at gabayan sila.

Ano ang silbi ng pagiging mayaman,
kung lalo pang pahihirapan ang mga mga dukha.
Ang kayamanan ay regalo mula sa Itaas,
hindi para itambak sa baul at magpahirap ng kanyang kapwa
kundi para ibahagi sa mga dukha, maysakit, walang tirahan at nangangailangan.

Ang Kapangyarihan, Karunungan at Kayamanan ay regalo mula sa Panginoon,
kaya dapat lang na ingatan at gamitin sa tamang paraan.

Shhhh…

DSC06749

Busina rito…busina roon! Walang tigil si mamang driver at konduktor sa pag-iingay para sila ay mauna sa jeepney/bus stop at mapansin ng mga pasaherong nag-aabang ng sasakyan. “Maghintay ka, nauna ko rito!” sagot ng na unang driver. Ganito madalas ang eksenang mapapansin natin kapag tayo ay nasa mataong lugar ng Metro Manila. May ordinansa ba tayo para sa noise pollution? Ang malabis na ingay na ating naririnig ay hindi maganda sa ating kalusugan.

May mga eksena rin sa ating trabaho na tayo ay nagmamadali at naghahabol sa deadline…walang tigil na follow up.
“Hindi pa ba tapos ang project na pinagagawa ko? Naku lagot na ako nyan sa customer”
“Nasaan na iyong report na pinagagawa sa akin ni Boss? pinasusubmit na sa akin mamaya”
“Dumating na ba iyong nirequest ko? Ang tagal naman..bakit wala pa?”

Sa ating buhay, kailangan din nating makaramdam ng katahimikan, maging mahinahon at maghintay.
Katulad ng nakasulat sa Psalm 46: “Be still and know that I am God.”
Napakaraming kahulugan sa wikang Filipino ng salitang “Be still”, para sa akin, pwedeng ang kahulugan nito
ay tumahimik, huminahon, huwag kumilos, manatili at mag-hintay. Alin man dito ay may dala-dalang tulong sa ating mga nagmamadali, naguguluhan sa ating buhay,
Sa mga may problema sa pamilya at pinansyal.

Ang wika ng Kaibigan kay Andoy sa panaginip:
Ipanatag mo ang iyong isipan at magtiwala ka sa Akin. Ako ang bahala sa lahat ng mga ito. Gagawin ko ang lahat para sa iyong kabutihan
kung magtitiwala ka lamang sa akin.


Minsan, nasosobrahan tayo sa pagsasalita. Ang gusto natin ay masabi nating lahat sa Kanya ng isang upuan lamang ang ating mga problema, ang lahat ng ating
Kailangan, ang lahat ng taong maysakit at naguguluhan na pinangakuan nating ipagdarasal.

Sa pagpapatuloy ng panaginip ni Andoy, nagwika sa kanya ang Kaibigan.
Ang lahat ng mga gusto mong sabihin sa Akin ay alam ko na bago pa ito bigkasin ng iyong bibig. Tama ka, gusto kong dalhin mo lahat sa Akin ang lahat ng iyong pasanin, dahil Ako na rin ang nagsabi sa inyong Ipaubaya nyo lahat sa akin ang inyong pasan at alalayan ko kayo (salmo 55:23). Pero kailangan bang sa isang upuan lamang? Bakit hindi ka huminahon..ipanatag ang iyong isipan at makinig sa Akin para maiba naman. Magtiwala ka..at pakinggan ang aking sasabihin na kailangan mong marinig.

May pagkakaton na tayo ay nanghihina at nawawalan ng tiwala sa sarili. Ang mga maling gawang pilit nating inaalis ay inuulit lamang nating gawin. Ang pangako at New Years Resoulution natin ay hindi naman nating natutupad. Parang walang pagbabago at paglago ang ating buhay. Nagiging mareklamo tayo sa lahat ng paghihirap na dumarating sa ating buhay.

Muli, ang wika ng Kaibigan kay Andoy…
huminahon ka, tumahimik at maghintay. Sa ganitong pagkakataon ng inyong buhay kayo lumalago at nagbabago. Kapit ka lang… hindi mo pa siguro ito mararamdaman o makikita, pero Ako ay kumikilos sa iyong buhay. Ang mga maliliit na krus na Aking binibigay sa iyo ay hindi ordinaryong krus na pinulot ko lamang sa tabi-tabi. Walang kabuluhan at saysay ang mga krus na ito sa ibang tao dahil ito ay sadyang pinagawa ko para sa iyo lamang. Para makatulong sa iyong paglago at araw-araw na buhay. Pero kung ang lahat ng aking ginagawang pagtulong ay hindi mo papansinin at tatangapin, ang lahat ng ito mawawalan ng halaga. Kaya, huminahon ka at tanggapin lahat ang binibigay Ko sa iyo.Palagi mo sanang tandaan kaibigan, Ako ang Diyos, hindi ikaw. Ako ang magtatama ng lahat ng mga pagkakamali sa iyo.

Itinuro sa ating lahat na ang salita ng Diyos ay “tanglaw sa ating paa at liwanag sa ating daraanan.”(salmo 119:105),
Tanging ang Diyos lamang ang palaging may naka handang kasagutan sa bawat pangyayari sa ating buhay, mula sa mga taong maysakit,
Problemang pinansyal at pamilya, at hanggang sa mga araw na hindi tayo makatulog.

Shhhh….Be still!

signature sandi

d2 na me 2010

D2 na me 2010…alive and kicking! Pumipitik ang mga daliri sa keyboard ng aking pc. Wow! Wow! Wow! I survived 2009 at ngayon ay nagsisimula sa unang buwan ng bagong taon at bagong dekada. Bagyo, baha, jobless..pero eto buhay na buhay at nagsusumikap bumangon ngayong 2010.

Salamat sa Diyos! Buhay na buhay pa ako para gumawa ng mga blog article at

Salamat sa Diyos, andyan pa kayo para basahin ito.(Hug).

May katabi ka ba ngayon dyan sa iyong upuan? Maari mo bang sabihin.. “I love you and thanked God, andyan ka”.(hug or kiss)

Kamusta po ba ang inyong nakaraang taon?

Siguro ang iba ay masasabing naging maganda ang nagdaang taon para sa kanilang buhay, punong-puno ng kasiyahan at blessing mula kay Bro. ngunit, mayroon din naman magsasabing hindi naging maganda at punong-puno ng pagsubok ang nakaraang taon. Ang masaker, environmental threats, Global crisis. At syempre, hindi mawawala ang makulay na buhay-pag-ibig at problema sa pamilya.

Waaahhh! Paano na’to..katapusan na ba ng mundo? Parang hindi ko na kaya ito!

Agree ka ba kung sasabihin kong “You survived…we all survived 2009.”

Dahil sa ating pagsisikap, taimtim na panalangin, paniniwalang ang lahat ay magiging maayos at maganda, eto ay nagbunga ayon sa ating pagtitiwala.

Ibig sabihin lang, kung kaya natin lagpasan ang nakaraang taon, kaya rin natin ang mga susunod pa dito. Agree ba kayo?

Amen!

Hindi lang natin ito malalagpasan- may kahalo pang pag-asa, kasiyahan, kalakasan, buong siglang pagsisikap, pagtitiwala at pagmamahal. Dahil alam nating may handang gumabay sa atin at tumulong, punuan ang ating ‘di materyal na pangangailangan, akbayan at mahalin ng walang hanggan.

Ikaw…Tayong lahat ay mahal na mahal ng Diyos!

Sabihin nyo nga po ulit sa inyong katabi: “Mahal na mahal ka ng Diyos.”

At ngayong walang kasiguruhan ang dala-dala ng 2010 para atin… just Hold on, move on, at patuloy na mamuhay ng may pagtitiwala at pananampalataya na ang lahat ay magiging maayos dahil si Lord ang may hawak nito!

signature sandi

aTY 1st Anniversary

Happy  1st Anniversary ang Tanging Yaman!

namamasko po!

namamasko po!

Magandang araw po sa inyong lahat! Masayang masaya ako sa araw na ito, dahil ito ang unang araw na isinilang “ang tanging yaman”. Lubos ang aking pasasalamat kay Big Bro. na isinilang niya ito para makapag bigay ng liwanag at inspirasyon sa mga taong naglalakbay sa madilim na daan ng buhay, makatulong ng simple at maipadama ang Kanyang presensya sa mga taong may kakaibang sakit at sa mga taong nakakaramdam na sila ay nag-iisa sa kanilang pinadaraanan sa buhay.

Sa kabila ng napakarami kong pagkukulang, sa aking pagtalikod sa Kanyang tawag noon ay hindi Siya nagsasawang ako ay gabayan at kalingain. Kaya naman lubos ang aking pasasalamat kay Big Bro. at kay Ina’y Maria. Nagpapasalamat rin ako na binigyan ako ng pagkakataon na kahit dito at sa pamamagitan ng pagtulong ko sa aking kapwa ay mapaglingkuran ko Siya. Salamat at kahit papaano ay nakapag sponsor ako ngayong taon ng tatlong simpleng soup kitchen at makapagbigay ng konti sa mga taong nasa “hands of friendship”.  Kulang pa siguro ang aking ginawa kumpara sa pangangailangan ng aking kapwa at sa kabutihang pinapakita ni Big Bro. sa akin.

At syempre, Sa inyong lahat na aking mambabasa na naging mga kaibigan, maraming maraming salamat po sa inyong pagsuporta at walang sawang pagsubay-subay sa “ang Tanging Yaman”. Sa iba’t ibang blogger at blogsite na nagbigay ng pagkilala at parangal sa akin at sa aTY…maraming salamat po! Ang pinaka magandang regalong aking natanggap ay nadagdagan ang aking mga kaibigan.

Marami pa akong pangarap sa aty, gusto ko pang lumawak ang sakop nito at naaabot pero hindi sapat at limitado lang ang aking pondo kaya ipahintulot nyo po sanang makapaglagay ako ng donations button para sa page na “Hands of Friendship para mas marami pang matulungan at ang matitira ay para sa maintenance ng aty. Sa tuwing aking nakikita at nababalitaang nadagdagan ang mga may sakit, walang makain, walang matitirhan, mga taong naghahanap ng pang-unawa sa kanilang pinagdaraanan. Kailangan kong kumilos at sila ay abutin at tulungan para maiwasang sila at kanilang mahal sa buhay ay tuluyang lumayo at malimutan na mayroong Diyos na nakikinig sa kanilang panalangin at hinaing.

Anuman tulong ay labis naming ikatutuwa at bahala na po si Big Bro na gumanti sa inyong kagandahang loob.

Ipagpaumanhin nyo kung minsanan lang ako makadalaw sa inyong blog, hindi makareply sa inyong comment. Sa ngayon ang inyong lingkod ay dumadaan sa isang krisis at kailangan magtipid…sarling sikap ang trabaho ko ngayon..minsan meron,minsan wala. Umaasa lamang sa Kanyang dakilang awa at grasya. Salamat na lang andyan Siya palagi ang aking Tanging Yaman para ibigay ang aming pang araw-araw na pangangailangan.

God bless us all more this coming year 2010!

In prayer with Mary,

sandi

signature sandi

Kwentong Ondoy

Sa totoo lang, ngayon lang ako nakaranas ng ganitong klaseng baha kahit na ang baha ay hindi iba sa akin, bata pa ako ay namulat na ako sa ganitong pangyayari ngunit ang katatapos na baha ay sadyang kakaiba sa aking mga naranasan..para bang may pinapahiwatig. Ito rin ay nagbigay sa akin noong una ng takot at pangamba. Salamat na lang at buo ang aking pagtitiwala sa ating Diyos.

Ang aming lugar (Pinagbuhatan) ay talagang sadyang bahain lalo na’t sa ganitong mga buwan at mataas ang tubig sa lawa ng laguna.
Kahit na ang mga mananakop na kastila ay naransan ito pagkatapos na unang magtayo ng simbahan dito sa aming lugar, ng maranasan ang ganitong pangyayari nilipat nila ang simbahan sa kabayanan ng pasig na ngayon ay may titulong Immaculate Conception Cathedral at kaya ang aming lugar ay tinawag na Pinagbuhatan dahil sa pinagbuhatan ng malaking simabahan. Konting history po.. :)

Eto naman ang aking kwento baha:

Tatlong araw pagkatapos kong mai-post ang Liwanag sa Gitna ng Bagyo, naranasan ko ang ibang naisulat ko rito.

Sabado ng umaga habang naka-upo ako dito sa harapan ng aking computer ng biglang makadama ako ng malamig sa aking paanan, ng aking makita, isang umaagos na tubig mula sa biyak ng aming sahig na semento. Dali-dali akong tumayo at tinanggal ang mga kable sa aking computer at inilagay sa tingin ko ay hindi na aabot ang tubig baha. Nilipat ko rin ang aming tv, tv rack, sopa kung saan nakalagay ang aking computer at nilagay ko sa ibat-ibang plastic bag ang aking mga gamit.

Mag-tatanghalian na rin ng matapos ako sa aming pagtataas, sa mga oras na iyon wala pa rin tigil ang malakas na ulan pero naging kampante na ako na hindi na tataas ang tubig at aabutin ang lahat ng aming tinaas. Ngunit nagkamali ako, patuloy pa rin ang pagtaas ng tubig kaya nilipat ko muli sa pangalawang pagkakataon ang aming gamit sa mas mataas na lugar.. kinuha ko ang aming lamesang kainan at doon pinatong ang computer at tv.. kumuha ako ng mga monoblock chair at doon pinatong ang aming mga sofa. Pinatong namin sa apat na LPG tank na walang laman ang aming ref. sa pag-aakalang hindi na ito aabutin. Ang isa pang aking ina-aalala ng mga oras na iyon ay aking mga aso na malapit ng abuting ng tubig ang kanilang kinalalagyan, kaya kumuha ako ng katre at doon nilagay ang aking mga aso.

Alas Dos ng hapon wala pa rin tigil ang malakas na ulan, ang balat ng aking daliri sa paa at kamay ay kulubot na sa matagal na pagbabad sa tubig. Naka-ilang basong kape yata ako sa mga araw na iyon. Kailangan ko naman tulungan mag-taas ng kanilang gamit ang aking kapatid na nasa kabilang kalsada at ibang kamag-anak.

Alas-kuwatro ng makabalik ako sa aming bahay. Ganun pa rin kalakas ang ulan, hindi pa rin tumitigil ang pag-taas ng tubig at maagang nagdidilim ang buong paligid. Ang katreng pinaglalagyan ng aking mga aso ay inabot na ng tubig, walang tigil ang kanilang kahulan. Ang lamesang pinaglalagyan ng aming tv at computer ay malapit ng abutin ng tubig at ang ang LPG tank ay nagbabadyang lumutang at ilang sandali ay pwede nilang ibagsak ang aming Ref.

Kaya, wala na kaming pagpipilian kungdi ang ilagay ang aming gamit sa 2nd floor ng aming bahay. Ang mga gamit na hindi kasya sa hagdanan ay naiwan sa 1st floor at tuluyan ng nalubog ng tubig. Ang aking mga aso ay isa-isa kong pinalangoy at binuhat paakyat sa 2nd floor ng aming bahay at nilagay sa aking kuwarto.

Our house after one week

Our house after one week

Ng sumapit ang gabi, ang buong paligid ay nabalot ng kadiliman dulot ng sama ng panahon at walang kuryente. Ang malakas na ulan ay humina at unti-unti na rin tumitigil ang pagtaas ng tubig. Tahimik na tahimik ng gabing iyon wari bang ang lahat sa aming lugar ay napagod sa pagsalba sa kanilang mga gamit. Ng gabing iyon, kami ay magkakasama lahat ng aming pamilya, mga aso at pusa sa 2nd floor ng aming bahay at sa aking pagtulog, ako ay umaasang sa aking pagka-gising wala na ang tubig bahang pumasok sa aming bahay.

Sa loob ng kalahating araw ng sabadong iyon umabot ng apat na pulgada ang lalim ng tubig sa loob ng aming bahay, sa kalsada ay limang pulgada ang lalim. Ang tubig baha ay nawala at naibalik ang kuryente sa amin lugar pagkatapos ng tatlong linggo.

children who live near our house and stayed outside their houses during the flood..

children near our house and lived outside their house during the flood..

children who live near our home and stayed at the roof of their houses during the flood

children who live near our home and stayed at the roof of their houses during the flood

DSC08502

signature sandi

Liwanag sa Gitna ng Bagyo

Madalas, Si Rebecca at ang kanyang mga anak ay gustong-gustong pakinggan ang tunog ng kulog at pagmasdan ang gumuguhit na liwanag ng kidlat sa kanilang bintana. Nagkakatuwaan silang hulaan kung gaano kalayo ang kidlat sa pamamagitan ng pagbilang, sa pagitan ng pagkidlat at pagkulog. Ang pagpatak ng ulan sa kanilang bintana ay parang isang pangingiliti ng Diyos na nagbibigay ng sigla at kaginhawaan sa kanilang munting tahanan. Ngunit sa pagkakataon ito, ang bagyo ay hindi kasiya-siya sa mag-iina dahil sa lakas ng patak ng ulan at nakakatakot na ingay ng kulog.

Ang malakas na bagyo ay dumaan sa kanila sa kalagitnaan ng gabi, walang tigil ang pagkidlat at pagkulog. Ang malalaking patak ng ulan ay binabayo ang kanilang bintana. Hindi katagalan bago mag-umpisa ang malakas na ulan, ang kanyang mga anak at kanilang aso ay naglipatan sa kanyang kuwarto, at kahit si Rebecca ay nakakaramdam ng takot sa dumaraang bagyo.

Nasa kama ang mag-iina ng biglang mamatay ang ilaw, lalong natakot ang mga bata at pati si Rebecca ay hindi malaman ang gagawin. Hanggang sa maalala niyang may flashlight pala siya sa kanyang drawer. Kinuha niya ito at binuksan. Ang munting liwanag dulot ng flashlight ay nagbigay kaagad ng kaginhawaan at katiwasayan sa mag-iina. Naramdaman ni Rebecca ang presensiya ng Diyos sa liwanag at kasiguruhang ang lahat ay magiging maayos.

Hindi nagtagal, Si Rebecca, ang mga bata, at ang aso ay natulog. Kina-umagahan, ng ibabalik na ni Rebecca ang flashlight kung saan niya ito kinuha, napansin niyang ito ay magaan. Kaya, binuksan niya ang pinakadulo, at siya ay namangha sa kanyang nakita sa loob nito, ito ay walang lamang baterya.

Hindi man natin napapansin ang mga himalang ginagawa ng Diyos sa ating buhay, hanggang sa may bagyong dumating. Kapag ang takot ay nangibabaw sa atin, tayo ay may pagkakataong iunat ang ating pagtitiwala sa Kanya. Sa oras ng pagsubok, ang mapag-himalang kapangyarihan ng Diyos ay nanatiling walang pagbabago at totoo, binibigay sa atin ang ating pangangailangan sa oras na ito ay ating kailanganin. Magtiwala tayo dito.

Lord, ang Iyong salita ay nagsisilbing liwanag sa aking mga paa at aking daraanan.. Salamat po sa pagiging Liwanag mo sa aking buhay sa lahat ng pagkakataon, mabuti man o hindi. Huwag ko sanang kalilimutang laging purihin ang Iyong pangalan at ihayag ng walang kapaguran ang Iyong kabutihan.

signature sandi

Panalangin 2

Sa tuwing tayo’y nakikipag-usap sa ating mga kaibigan para bang ang oras ay hindi nating namamalayang lumilipas. Ganito rin ang gusto ng ating Diyos tuwing tayo ay nakikipag-usap sa Kanya, ang ituring Siyang hindi iba sa atin, ang ituring Siyang bilang kaibigan, hinahangad Niya na katulad din ng pakikipag-usap natin sa ating mga mahal sa buhay, kaibigan saan man lugar at anumang oras nating silang nakita. Ang panalangin ay pakikipag-usap, hindi pagsasalita na para bang wala kang kausap.

Ang pakikinig ay nangangailangan ng pagsasanay, lalo na ang pakikinig sa sinasabi ng ating Diyos.  Sa ating pakikipag-usap sa Kanya, kailangan mong maupo katulad ng pag-upo mo kapag alam mong matagal kayong mag-uusap na iyong kaibigan. Isalarawan mong katabi mo sa iyong upuan si Hesus. Sabihin mo lahat sa Kanya ang iyong nararamdaman, ang iyong inaasahan, ang iyong takot, pangarap, mga katanungan gumugulo sa iyong isipan, ilabas mo lahat ang iyong saloobin. Pwede kang umiyak, tumawa, mag-biro, isandal sa Kanyang balikat ang iyong ulo. Ipanatag mo ang iyong sarili sa piling ng ating Diyos at pakinggan ang anumang sasabihin Niya sa pamamagitan ng iyong puso. Kahit na wala kang marinig, damahin mo pa rin ang katahimikan sa piling Niya.

Maging bukas ang ating puso at isipan sa ibat-ibang paraang pwedeng sagutin ang ating panalangin. Ito man ay sa pamamagitan ng panonood ng tv, sa pagbabasa ng libro, sa ating mahal sa buhay, kaibigan, makakasalubong sa daan, sa ating pakikipag-usap sa ibang tao, isang pangyayari, salita sa biblia, at kahit na sa mumunting paraan ay pwedeng sagutin ang ating panalangin. Hindi man Niya tayo sagutin sa pamamagitan ng malakas na tinig, kungdi ng isang maliit na boses, siguruhin nating tayo ay nakikinig sa Kanyang sinasabi sa atin. Habang ikaw ay nakikinig, matutunan mong kung papaano mapalapit sa Diyos, isang pagtatagpong magbibigay kasiyahan sa matagal ng hinahangad ng iyong puso.

signature sandi

Isabit at Ipagkatiwala

May isang lalaking pagkatapos ng isang araw ng pagtatrabaho bago pumasok sa kanyang tahanan, ay dumadaan muna sa isang malaking puno sa harapan ng kanyang bahay. Sa kanyang pagdaan, dahan-dahan niyang aabutin at hihipuin ang mga sanga nito.

Ginagawa niya ito para “mentally” ay isabit ang kanyang problema sa mga sanga nito at huwag na niyang dalhin sa loob ng kanyang tahanan. Iniiwan niya ang kanyang problema sa pag-aakalang kapag ito ay mahalaga, makikita niya pa rin ito bukas ng umaga. Ngunit dumaan ang maraming umaga, ang lahat ng kanyang sinabit ay nawala.

Sa totoo lang, ang isabit at iwan ang problema sa malaking puno ay hindi madaling gawin.

Kapag may gusto akong ipagkatiwala sa Diyos,naka-ugalian ko ng gawin noong bata ako, ang isulat ko ang aking panalangin. Pag natapos ko ng isulat sa isang papel ay ilalagay ko sa isang maliit na bag at isasabit sa itaas ng kisame ng aking kuwarto. Ang prinsipyo, kapag nagsimula akong problemahin ang panalangin ko sa Diyos, kailangan ko akyatin ang bag sa kisame at kunin ang papel na aking sinulatan. Hindi ko masabi kung gaano ko katagal nakukuha ang bag at ang papel na aking sinulatan.

Ang gamitin ang Diyos para ipagkatiwala ang ating mga problema at pag-aalala ay kailangan ng mahabang pasensiya at maraming pagsasanay para matutunan. Kapag ating nakasanayan, ang lahat ng ito ay magbubunga ng isang kaalaman at kapayapaan na palagi nating kasama ang ating Diyos, nakahanda palaging tulungan tayo sa ating mabibigat na dalahin.

signature sandi