Ano ang Silbi?

Isa pong paalala para sa mga nais maglingkod sa ating bayan:

Ano ang silbi ng kapangyarihan
kung ito’y gagamitin lang sa mga maliliit, mahihina at walang kalaban-laban.
Ang kapangyarihan ay regalo mula sa Itaas,
hindi para gamitin sa mga mahihina at walang kalaban-laban,
kundi para magsilbi sa mga ito ng walang hinihintay na anumang kapalit.

Ano ang silbi ng karunungan,
kung ito’y gagamitin para manloko ng ating kapwa.
Ang karunungan ay regalo mula sa Itaas,
hindi para manloko ng ating kapwa,
kundi para turuan at gabayan sila.

Ano ang silbi ng pagiging mayaman,
kung lalo pang pahihirapan ang mga mga dukha.
Ang kayamanan ay regalo mula sa Itaas,
hindi para itambak sa baul at magpahirap ng kanyang kapwa
kundi para ibahagi sa mga dukha, maysakit, walang tirahan at nangangailangan.

Ang Kapangyarihan, Karunungan at Kayamanan ay regalo mula sa Panginoon,
kaya dapat lang na ingatan at gamitin sa tamang paraan.

Huwag Kang Mangamba Aking Kaibigan

Natatakot ka ba? Walang masama kung ikaw ay may pangambang dinadala sa iyong kalooban. Ayon sa mga relihiyoso, normal lang sa atin na makaramdam ng pangamba sa ating mga pinagdadaanan. Katulad na rin ng nangyari sa mga disipulo habang sila ay nakasakay sa isang bangka, kasama si Hesus. ( Lukas 8:22-25)

Huwag lang nating kalilimutan na kasama natin Siya sa ating bangkang sinasakyan. Hindi tayo nag-iisa at wala tayong dapat ipangamba. Ang paglalakbay ay magpapatuloy at ang maalong dagat ay kakalma dahil sa Kanya.

Kahit ako, ay nakakaramdam ng pangamba sa aking mga pinagdadaan. Kaya minsan, nagdadalawang isip akong ituloy ang aking paglalakabay. Ngunit ang daan aking iniiwasan ang sadyang nais ng Kaibigan kong lakaran ko, dahil kahit anong iwas ko, dito pa rin ako lalabas.  Kahit sinong makilala ko,  dito at dito pa rin ako ituturo.

Parang ang Panginoon ay nakikipag-usap sa akin, Dahil sa mga pangyayari nitong nakaraang linggo na magkakatugma, ang mga pagbasa sa ebanghelyo, ang kaibigang hindi ko naman pinili at nito ko lang nalaman na may kaugnayan pala sa “tawag” na aking tinutugon, ang siyang nagbigay sa akin ng inspirasyon na ituloy na ang gawaing ito.

Kaya, Gumawa po ako ng isang video na inahahandog ko po para sa inyong lahat na aking mga kaibigan, sa tunay na mundo, sa blogosperyo…. at sa aking mga espesyal na mga kaibigang may karamdaman at sa kanilang pamilya, sa mga batang kalye, sa mga dukha ng mga dukha, sa iba pa.

Alam kong ang iba sa inyo ay hindi ito mapapakinggan dahil sa inyong karamdaman, ngunit umaasa ako na maramdaman nyo lagi ang presensiya ng ating Panginoon sa inyong buhay at umaasa ako na darating  din ang araw na ito ay inyong mapapakinggan.

artist: Himig Heswita
Album: Your Dwelling Place

Huwag Kang Mangamba



(lyrics)

Chorus:
Huwag kang mangamba.
Di ka nagiisa.
Sasamahan kita.
Saan man magpunta.
Ika’y mahalaga.
Sa aking mga mata.
Minamahal kita.
Minamahal kita.

Tinawag kita sa iyong pangalan.
Ikaw ay Akin magpakailanman.
Ako ang Panginoon mo at Diyos.
Tagapagligtas mo at tagatubos.

(repeat chorus)

Sa tubig kita sasagipin.
Sa apoy ililigtas man din.
Ako ang Panginoon mo at Diyos.
Tagapagligtas mo at tagatubos.

(repeat chorus)


Pagpalain nawa kayo lagi ng ating Panginoong Diyos at lagi nyo sanang damahin ang presensiya ng ating Panginoon Diyos.

Maraming Salamat po sa Inyo! Mahal ko po kayong lahat ;)

Paano Kita Mamahalin?

Madali nating mahalin ang mga taong marunong rumispeto. Madaling mahalin ang mga taong may mabuting kalooban. Madaling mahalin ang mga taong masayahin. Ngunit ang mga tigasin, ang mga taong inggitero at ingitera, ang mga tsismosa at tsismoso, ang mga taong nangmamata sa atin, ang mga taong para bang wala ng pag-asang maging mabuti..ay ibang kwento.

Ang mahalin ang mga taong ganito, ang mga taong mahirap mahalin ay isang pagsubok sa ating buhay. Lahat tayo ay nakakatagpo sila sa ating araw araw na buhay..minsan sa paaralan, sa trabaho, sa simbahan at sa ating komunidad. Kung ang ating kakayanan ang ating susundin, nakakalungkot na sabihin na malabo na sila ay ating mahalin.

Salamat sa Panginoong Diyos, sa Kanyang nakahandang Dakilang Pagmamahal na anumang oras ay pwede nating hingin sa Kanya sa oras na ito ay ating kailanganin at dahil dito, ang ating mga puso ay magkakaroon ng puwang para sa kanila.

Mag-iwan po ako ng tanong, okey lang po kung medyo mahirap para sa inyo na ito ay inyong sagutin… pero kung kayang-kaya naman..please ;)

Tanong: Kung ang taong inyong kinaiinisan o taong mahirap mahalin para sa inyo ay makasalubong nyo sa isang makipot na daan.. ano ang inyong gagawin?

Okey lang po kung ito ay Emo o nakakatawa basta galing sa inyong puso :) salamat po!

P.s.

Salamat po pala sa inyong walang sawang pagbisita sa aking bahay, sana po ay hindi kayo magsasawa. Sa ngayon ang Tanging Yaman ni Sandi ay isa po sa Top 7 sa week three ng Most Influential Blogger contest. Salamat kina Joycee, Lovely at Bro. Utoy.. ako po ay lubos na natutuwa at nagpapasalamat sa inyong lahat.

Umasa po kayo na matalo man o manalo, narito lang po ako para samahan kayo sa inyong paglalakbay.

Dios Mabalos (God will repay)

Ngiti Mula sa Itaas

DSC07077

Noong bata pa siya, Alam ni Yolly na magiging kakaiba siya sa lahat. Noong una, pinangarap niyang maging isang magaling na ballet dancer at magsayaw sa napakalawak na entablado sa harap ng maraming manonood. Hindi naglaon nag-iba siya ng pangarap, gusto naman niyang maging isang magaling na modelo ng damit at rumampa sa harap ng mga kilalang tao. Dumaan ulit ang mga araw, nagbago nanaman ang kanyang pangarap, gusto naman niyang maging isang tanyag na manunulat pagdating ng araw.

Ang takbo ng kanyang isip ay pabagu-bago, kaya minabuti ni Yolly na itigil ang kanyang mga sariling plano at kinausap na lang ang Panginoon na samahan lagi siya sa bawat hakbang na kanyang ginagawa at gawing mabunga ang kanyang buhay.

Hindi nag-laon napasok siya sa isang part time na trabaho. Ang sahod ay hindi gaanong kalakihan, ang papuri ay bihira. Ang entablado ay hindi malawak kundi isang maliit na platform para turuan ang mga maliliit na bata.

Habang tinuturuan niya ang mga batang gumawa ng sanaysay (essay), pumasok sa kanyang isipan na nagagamit pala niya ang kanyang talento sa pagsulat. Si Yolly ay isang taong espesyal na natagpuan ang layunin ng kanyang buhay.

Sa mata ng Diyos, lahat tayo ay espesyal. At kung hihiling kayo sa Kanya, Gagawin Niya para sa inyo ang ginawa Niya kay Yolly.

Nais Ko

Bohol Beach Club 3

Nagbalik sa isipan ni Andoy ang nangyari noong taong 1992..

“Nais mo rin bang makarating doon?” wika ni Toni,habang naka-upo sa buhanginan katabi ng kanyang kaibigan. Isang banayad na hangin ang dumaan sa kanilang paligid.

“Sa mga bituin? Parang ayokong isipin” wika ni Andoy.

“Pero ito ay kamangha-mangha at napakalawak. Ayaw mo bang naisin na tayo lang dalawa ang naroroon?” sabi ni Toni.

Umusod ng konti si Andoy at nilagay ang kanyang kamay sa ilalim ng kanyang baba at nagtanong, “Bakit mo ba palaging tinatanong ito sa akin?”

“Wala lang, malaking tulong din ang magkaroon ng pananaw sa lahat ng bagay at masarap mag-isip ng malahiganteng pangarap.” wika ni Toni

“Mali,” wika ni Andoy, “masakit minsan mag-isip ng malalaking pangarap.”
Gugustuhin ko pang sumabay na lang sa agos na darating sa aking buhay”

Tumingin si Toni sa mukha ng kaibigan. “Wala ka bang pangarap sa’yong buhay, sa ating dalawa?” Wala bang pumapasok sa’yong isipan para magpursige ka sa iyong buhay para ng sa ganon ay umasenso ka?” isang mabigat na tanong na iniwan ni Toni kay Andoy.

Ang hindi alam ni Toni at ng karamihan ay may mala-higanteng pangarap din siyang nais matupad. Nais niyang matupad ito pagdating ng araw.

Nagdasal si Andoy “Panginoon, bigyan mo rin po ako ng pangarap, isang pangarap, na makakatulong sa aking kapwa.”

Ang Hindi Inaasahang Tugon

dsc07035

Ang kolehiyo ay bagong pagsubok sa buhay ni Paula, pero eto na siya. Ang pinoproblema lamang niya ay kakaiba ang buhay dito kumpara sa buhay hayskul lalo na ang pakikipag-kaibigan. Nakakaramdam siya ng pag-iisa.

“Ano ba ito? Napakalaki naman ng eskwelehang ito parang napakadaling mawala sa karamihan. Parang ayoko na rito! Parang nag-iisa ako dito at nalulungkot” sabi ni Paula.

Tumungo si Paula sa kantina at bumili ng kanyang makakain. Dalawang linggo na rin ang lumilipas na kumakaing mag-isa si Paula sa kantina ito. Isang tapik sa balikat ang gumulat sa kanya. “Paula! Hindi ko alam na dito ka pala pumapasok!”

“Pamela?” Tumingin si Paula sa kanyang kaibigan noong hayskul. ” Hindi ako makapaniwala na ikaw yan! Lumipat ako dito last two weeks ago pa.” Nagpatuloy si Paula sa kanyang pagkatuwa, “newcomer ako.. hehe.”

“Hindi na magtatagal yan.” wika ni Pamela habang nakangiti sa kaibigan. “Halika doon tayo, ipakikilala kita sa aking mga kaibigan.”

Minsan may mga pangyayari sa ating buhay na hindi nating inaasahan at magugulat na lamang tayo kapag ito ay nangyari. Minsan hindi ito nagkataon lamang nangyari kungdi isang pasorpresang tugon ng Panginoon sa mga plano Niya sa ating buhay, isang espesyal na tugon kung ano ang mas makakabuti para sa atin.

Mayroon po ba kayong hindi inaasahang pagsubok na dumating sa inyong buhay? -Abutin nyo lamang ang Kanyang kamay na laging handang samahan kayo. :)

Munting Bagay na Mula sa Puso

Alam nating lahat na bihirang dumating ang malalaking bagay sa ating buhay at ang madalas dumadating ay ang maliliit na bagay na ating minsang nababaliwala dahil sa kanyang sukat.

Kahapon( april 1), nakatanggap ako ng isang sulat mula sa post office, sinasabing may dumating na parsela para sa akin.  Kaya naman kaninang umaga (april 2), dali-dali akong nagtungo sa post office para kuhanin, dahil alam kong eto na yong matagal kong hinihintay. Medyo napaaga ako ng dating sa post office kaya naghintay pa ako ng isang oras…excited kasi! Pero hindi naman ako nanghihinayang sa aking paghihintay dahil eto nga yung hinihintay ko. Tuwang-tuwa ako noong aking buksan ang sobre at makita ang laman.. mga maliliit na bagay ngunit nakapagpapataba ng puso. Ang parsela ay galing kay Rev. Siopao mula Roma, premyo sa akin, ngunit tinuturing kong isang alalaala na dapat kong ingatan. :)
rev-siopao

At dahil post office ang punta ko kaya naman dinala ko na rin ang mga lapis na ipapadala ko sa pens of hope naniniwala kasi ako ng maraming mapapasayang mga bata ang mga mumunting bagay na ito.

Totoo, ang aking natanggap at aking pinadala ay mumunting bagay lang, ngunit ang mga mumunting bagay din ito ay nakapagpapataba at nakapagpapabukas ng puso ng sinumang tao.

Rev. Siopao- Maraming Salamat Po sa inyong pinadala.. yehey, natanggap ko na..ilalaminate ko ito :)

Ms. Nortehanon- Maraming salamat po sa inyong project dahil dito nabibigyan kami ng pagkakataong makatulong sa iba at nabuksan ang aming mga mata at isip na huwag baliwalain ang mga malilit na bagay tulad ng lapis. Umasa po kayo na may susunod pa :)

Mula sa aking puso..Maraming salamat po muli mga kaibigan!

Bagong Taon

Ang Pagtatapos ng isang taon at pagpasok ng isang bagong taon ay napaka espesyal sa lahat ng tao sa mundo, ibat ibang tradisyon, ibat ibang relihiyon. Ang karamihan ay magninilay sa kabutihan sa kanilang buhay at mga biyayang binigay sa kanila nitong taon na ito. Sa aking pananaw eto rin ang tamang pagkakataon na pagnilayan nating lahat ang idinulot sa atin ng taong ito bago ito magtapos, maganda man o hindi ang ibinigay sa atin nito. Isipin natin kung paano pa natin mapapa-ganda ang ating mga buhay, pati na rin buhay ng  ating mga kapitbahay at kaibigan sa darating na bagong taon.

Karamihan sa ating Filipino ay nabubuhay pa rin sa karukhaan, marami ang walang trabaho at kulang sa oportunidad, ang iba ay sa kalsada pa rin nakatira kasama ang kanilang buong pamilya. Maraming eskwelehan sa probinsiya ang sira-sira, pangit na kalsada, sirang tulay, kulang sa materyales para sila matuto at kulang sa guro. Ang nakakalungkot pa rito ay kulang sa pondo ang ating gobyerno para maayos ang lahat ng ito. Ang pinaka dukha man na mag-aaral ay may karapatan sa maayos na paaralan, maayos na edukasyon at may karapatang matuto sa pinaka- mahusay na guro.

Sa panahon ito na hindi natin tiyak ang ating ekonomiya, ang lahat po sana ay magkaroon ng enerhiya para damayan ang ating mga kababayan. Ang lahat ay may karapatan makapag-aral, makakain, magkapag-patingin sa doktor, magkaroon ng trabaho para buhayin ang kanyang pamilya at alisin sila sa karukhaan, magkaroon ng isang maayos na tirahan. Lahat tayo ay nangangarap ng isang ligtas na tahanan na hindi tayo matatakot sa anumang krimen sa kalsada dahil alam natin may poprotekta sa atin sa oras ng panganib. Lahat tayo ay nangangarap na mawala na ang kasakiman sa kapangyarihan.

Ang lahat ng ito ay kaya nating gawin, hindi man kaya ng mag-damagan, pero kung magtutulungan lang ang bawat isa at sa tulong ng Panginoon ito ay makakayang gawin.

Bumabati ng isang Magandang Bagong Taon sa Inyong Lahat!