“Hindi ka na makakalakad.” ang sabi ng doktor sa isang dalawampu’t walong taong gulang na babae. Nabangga ng isang malaking truck ang kanilang sinasakyan na naging dahilan para maparalisa ang ilang bahagi ng kanyang katawan. Minsan ay nasabi niya sa Panginoon, “hindi ko na matuturuan ang aking mga estudyante sa elementarya, hindi na makalilikha ang aking kamay ng magagandang sining, makatutugtog ng piano at gitara. At nawalan na rin ako ng kalayaan, palagi na lang akong aasa sa tulong ng ibang tao at mga kagamitan para ako ay makakilos.”
Kahit sa kanyang pagkakahiga o habang naka-upo sa wheelchair, Palagi niyang kinakausap ang ating Diyos at minsan ay kanyang natanong “Bakit nangyari sa akin ito? Paano na ang aking buhay ngayon? Wala na..tapos na ang aking masasayang araw! Wala akong magawa sa aking sarili at sa ibang tao. Ang nagagawa ko lang ay maupo maghapon.”
Kahit na minsan ay nangingibabaw ang kalungkutan dahil sa kanyang sinapit, sa pamamagitan ng grasya ng Diyos,tulong ng kanyang kapamilya at kaibigan nagpatuloy siyang naniwala na mahal siya ng ating Diyos.Naniniwala siya na gagamitin pa rin siya ng Panginoon.
Muli siya ay nagdasal, “Lord, ituro mo sa akin kung paano ko malalamang mahal mo ako?”
Ilang buwan ang lumipas pagkatapos niyang sabihin ito sa ating Panginoon, dumalo siya sa isang pagtitipon ng mga may kapansanan at doon ay may nakilala siyang isang batang babaeng paralisado at hindi makapag-salita. Sa tuwing ito’y kanyang makikita, ang batang babae ay palaging nakangiti habang nakasakay sa kanyang wheelchair at tinutulak ng kanyang mabait na kasama.
Habang nagpapahinga ang dalawa sa gawain ng pagtitipon, hindi niya maiwasang isipin kung paano nakikita ng bata ang kanyang sariling buhay na maghapong naka-upo sa wheelchair, samantalang ang ibang bata ay naglalaro at nagtatakbuhan.
Kanyang tinawag ang kasama ng bata at sinabi, “Maaari ko bang siyang maiupo sa aking kandungan?
“Oo naman” sagot ng kasama ng bata, At dahan-dahang nilagay ang bata sa kanyang kandungan. Maya-maya tumingin sa kanya ang bata para sulyapan ang kanyang mukha. Sa oras na iyon nakaramdan siya ng pagmamahal at habag sa bata.
Siya ay tahimik na nagdasal sa Panginoon. “Lord, bakit ganito ang aking nararamdaman? Bakit ako nakakaramdam ng pagmamahal sa batang ito samantalang wala naman siyang ginagawa sa akin kung hindi ang maupo lamang sa aking kandungan?’
Sa ilang saglit, may diwang pumasok sa kanyang isipan. “Ganito ang Aking pagmamahal sa iyo.”
Sa mga oras na iyon naalala niya ang kanyang dasal sa Panginoon, kung paano mararamdaman ang pagmamahal ng Diyos. Siya ay pinakinggan at tinugon ang kanyang dasal sa pamamagitan ng munting batang naka-upo sa kanyang kandungan. Natutunan niya, na ang ating Diyos ay hindi tinitignan kung ano ang ating kayang gawin at hindi kayang gawin, basta naroroon lang Siya para tayo ay Kanyang mahalin at makasama.