Ano ang Silbi?

Isa pong paalala para sa mga nais maglingkod sa ating bayan:

Ano ang silbi ng kapangyarihan
kung ito’y gagamitin lang sa mga maliliit, mahihina at walang kalaban-laban.
Ang kapangyarihan ay regalo mula sa Itaas,
hindi para gamitin sa mga mahihina at walang kalaban-laban,
kundi para magsilbi sa mga ito ng walang hinihintay na anumang kapalit.

Ano ang silbi ng karunungan,
kung ito’y gagamitin para manloko ng ating kapwa.
Ang karunungan ay regalo mula sa Itaas,
hindi para manloko ng ating kapwa,
kundi para turuan at gabayan sila.

Ano ang silbi ng pagiging mayaman,
kung lalo pang pahihirapan ang mga mga dukha.
Ang kayamanan ay regalo mula sa Itaas,
hindi para itambak sa baul at magpahirap ng kanyang kapwa
kundi para ibahagi sa mga dukha, maysakit, walang tirahan at nangangailangan.

Ang Kapangyarihan, Karunungan at Kayamanan ay regalo mula sa Panginoon,
kaya dapat lang na ingatan at gamitin sa tamang paraan.

aTY 1st Anniversary

Happy  1st Anniversary ang Tanging Yaman!

namamasko po!

namamasko po!

Magandang araw po sa inyong lahat! Masayang masaya ako sa araw na ito, dahil ito ang unang araw na isinilang “ang tanging yaman”. Lubos ang aking pasasalamat kay Big Bro. na isinilang niya ito para makapag bigay ng liwanag at inspirasyon sa mga taong naglalakbay sa madilim na daan ng buhay, makatulong ng simple at maipadama ang Kanyang presensya sa mga taong may kakaibang sakit at sa mga taong nakakaramdam na sila ay nag-iisa sa kanilang pinadaraanan sa buhay.

Sa kabila ng napakarami kong pagkukulang, sa aking pagtalikod sa Kanyang tawag noon ay hindi Siya nagsasawang ako ay gabayan at kalingain. Kaya naman lubos ang aking pasasalamat kay Big Bro. at kay Ina’y Maria. Nagpapasalamat rin ako na binigyan ako ng pagkakataon na kahit dito at sa pamamagitan ng pagtulong ko sa aking kapwa ay mapaglingkuran ko Siya. Salamat at kahit papaano ay nakapag sponsor ako ngayong taon ng tatlong simpleng soup kitchen at makapagbigay ng konti sa mga taong nasa “hands of friendship”.  Kulang pa siguro ang aking ginawa kumpara sa pangangailangan ng aking kapwa at sa kabutihang pinapakita ni Big Bro. sa akin.

At syempre, Sa inyong lahat na aking mambabasa na naging mga kaibigan, maraming maraming salamat po sa inyong pagsuporta at walang sawang pagsubay-subay sa “ang Tanging Yaman”. Sa iba’t ibang blogger at blogsite na nagbigay ng pagkilala at parangal sa akin at sa aTY…maraming salamat po! Ang pinaka magandang regalong aking natanggap ay nadagdagan ang aking mga kaibigan.

Marami pa akong pangarap sa aty, gusto ko pang lumawak ang sakop nito at naaabot pero hindi sapat at limitado lang ang aking pondo kaya ipahintulot nyo po sanang makapaglagay ako ng donations button para sa page na “Hands of Friendship para mas marami pang matulungan at ang matitira ay para sa maintenance ng aty. Sa tuwing aking nakikita at nababalitaang nadagdagan ang mga may sakit, walang makain, walang matitirhan, mga taong naghahanap ng pang-unawa sa kanilang pinagdaraanan. Kailangan kong kumilos at sila ay abutin at tulungan para maiwasang sila at kanilang mahal sa buhay ay tuluyang lumayo at malimutan na mayroong Diyos na nakikinig sa kanilang panalangin at hinaing.

Anuman tulong ay labis naming ikatutuwa at bahala na po si Big Bro na gumanti sa inyong kagandahang loob.

Ipagpaumanhin nyo kung minsanan lang ako makadalaw sa inyong blog, hindi makareply sa inyong comment. Sa ngayon ang inyong lingkod ay dumadaan sa isang krisis at kailangan magtipid…sarling sikap ang trabaho ko ngayon..minsan meron,minsan wala. Umaasa lamang sa Kanyang dakilang awa at grasya. Salamat na lang andyan Siya palagi ang aking Tanging Yaman para ibigay ang aming pang araw-araw na pangangailangan.

God bless us all more this coming year 2010!

In prayer with Mary,

sandi

signature sandi

Bahagi-Bunga

Ang pag-aalaga ng halaman ay maraming tinuturo sa aking kaalaman at DSC07969nagbibigay sa akin na pahalagahan ang mga binigay sa akin ng Diyos. Binubuksan nito ang aking pananaw sa kagandahan ng mga nilikha ng Diyos. Read More »

signature sandi

Panalangin

May isang istorya sa isang abalang kalsada, may isang matandang babaeng walang tirahan ang nakatayo sa gilid nito habang ang malakas na ulan ay unti-unti bumubuhos.

Ang mga taong  naglalakad sa kalsada at nagtatrabaho sa kalapit na mga opisina ay dali-daling sumisilong sa mga gusali at restwaran. Ang mga taong may magagarang payong, mga may dala-dalang shopping bags at magagandang briefcase ay dinaraanan lang ang matandang babae na para bang hindi napapansin.

“Lord, sana po ay may makapansin sa akin” wika ng matandang babae. Ang babae ay nagdarasal habang siya ay unti-unting nababasa ng malakas na ulan. “Ito lang po ang aking hiling sa inyo..ang may makapansin sa akin”. Pumasok sa kanyang isip kung ang panalangin ng isang dukhang katulad niya ay pinakikingan ng Diyos. “Lord, nariyan ka ba?” “Nawala na sa akin ang lahat, pati ba naman Ikaw?” “Kailangan kasi kita sa aking buhay.”

Habang ang matandang babae ay naghihintay ng tutulong sa kanya, mayroon isang babaeng nagmamaneho ng kanyang auto ang napadaan sa kalsada. Katulad ng kanyang naka-ugalian siya ay palaging nanalangin sa ating Diyos, “Lord, sana po ay maging instrumento mo ako ngayong araw na ito.” Sa bintana ng kanyang sasakyan, nakita niya ang matandang babaeng nakatayo sa isang sulok, basang-basa at giniginaw. Ng walang pasubali, pinarada ng babae ang kanyang auto sa gilid ng kalsada at tumakbo patungo sa matanda. Dahan-dahan niyang inabot ang kamay ng di-kilalang babae at tinanong. “Paano ko po kayo matutulungan”. tanong ng babae.

Ang mata ng matandang babae ay napuno ng luha ng kagalakan. “Pinakinggan mo ang aking panalangin sa Iyo.” wika niya.

Minsan, pumapasok sa ating isipan ang magtanong kung pinakikingan nga ba ng ating Diyos ang ating panalangin sa Kanya. Katulad ng matandang babae sa kuwento, isang taong walang tirahan, kulang ang kaalaman sa ating Diyos, naghihintay lagi ng tulong sa mga taong laging nakahandang tumulong at ipakita ang mukha ng Panginoon sa kanila.

Ayon sa mga relihiyoso at eksperto ang “panalangin” ay pakikipag-usap natin sa ating Panginoon, ito ay nagbibigay sa ating ng pag-asa habang pina-aabot natin sa langit ang ating mga minimithi. Ang panalangin ay nagsisilbing payong ng kapayapaan at habang tayo ay nakasukob sa ating Panginoon, tayo ay Kanyang pinagmamasdan at kinakausap, “Kaibigan, ikaw ay mahalaga sa Akin at mahal na mahal kita.”

Sa panalangin, ang ating Diyos ay pinakikingan tayo ng pantay-pantay. Pinahahalagahan Niya ang hinaing ng bawat taong nagsasabing “kailangan po kita Lord.” Hindi natin kailangan ng perpektong pagdarasal para ito ay Kanyang pakinggan. Walang pormula para ang ating panalangin ay siguradong Kanyang tugunin.  Sundan natin ang ginawa ng matandang babae sa istorya, ang aminin na kailangan natin Siya sa ating buhay, hangad natin ang Kanyang presensiya, at naghihintay lagi ng Kanyang pag-tugon.

Ang panalangin ay ang susi para sa isang masaganang buhay espiritwal. Ito ay magbibigay sa ating ng kapanatagan at kasiyahan ng kalooban anuman ang mangyari sa ating minimithi dahil ang ating Panginoon ay ang ating Tanging Yaman.

Ang Tanging Yaman

Dalawang dekada ang lumipas, Pumasok sa aking isipan ang salitang “Tanging Yaman” ng ako ay isang aktibong choir member pa lamang sa aming simbahan. Isang kantang sinulat ni Fr. Manoling Francisco,heswita. Nagbigay  inspirasyon sa akin ang kantang ito, para sa aking araw-araw na pakikipagsapalaran sa mundong aking ginagalawan. Ang mga salitang ito ay nagsilbing paalala sa akin na huwag akong maghangad ng labis, ang huwag maiingit. Umasa lagi at magtiwala sa Kanyang kalooban at pagpapala, dahil Siya ang mas nakakahigit, sa Kanya lahat nagmumula ang lahat dahil Siya ang ating Panginoon, ang ating Tanging Yaman.

Matagal ko na rin pinangarap na makapagtayo ng isang sariling negosyo na ang pangalan ay “Tanging yaman” bilang pasasalamat sa lahat ng biyayang Kanyang binibigay. Dumaan ang maraming taon wala akong negosyong napundar dahil walang sapat na kapital. Ngunit may iba palang plano ang ating Diyos, ang plano pala Niya ay magbigay ako ng inspirasyon sa mga kagaya kong minsan ay hinahanap Siya, sa mga taong nabibigatan sa kanilang dalahin, sa mga nag-iisa, sa mga taong maysakit at walang sapat na pampapagamot at sa mga taong nagugutom.

Labis akong natutuwa na nagamit ko ang salitang “Tanging Yaman” para Siya ay aking parangalan at magbigay ng inspirasyon sa inyo at sa ibang tao. Ito ay isang katuparan ng aking mga pangarap. Nawa’y ang pagpapala ng ating Panginoon ay palagi nating madama.

God bless us all!

Sa Ating Paglago

“Lumago kang kilala Siya at malapit sa ating Diyos dahil Siya ang ating Tanging Yaman.”

rainnyMay isang istorya ng isang “acorn nut” na nahulog sa loob ng isang lata at natabunan ng lupa. Dumaang ang mga araw, isang maliit na talbos  ang sumibol at tumulak papalabas ng lupa. Ang bagong sibol na talbos ay kumuha ng tamang-tama sustansiya para siya ay lumago at mabuhay. Maraming taon ang dumaan, ang maliit na  acorn na binalewala ang tigas ng lata ay naging isang malaking puno kung tawagin ay “oak tree”.

Araw-araw tayo ay nabibigyan ng hindi mabilang na pagkakataon para samantalahin na mag-simula muli. Ang bagong simula ay dumarating kapag may natapos na ibang pangyayari sa ating buhay. Kapag hinayaan natin ang ating mga kasalanan ay mawala sa ating mga puso, tayo ay nagkakaroon ng panibagong buhay kasama ang ating Panginoon. Tayo ay lumalago katulad ng isang mataas at matibay na puno, na nagsimula sa isang maliit na binhi.

Katulad ng isang maliit na binhi, tayo ay unti-unting lumalago ng hindi growing on you 5nating namamalayan. Tayo ay nabubuhay dahil sa Kanyang dakilang pagmamahal at pagkalinga sa ating lahat. Hindi Niya pinangako na palaging bughaw ang kalangitan at hindi rin Niya pinangako na palaging sisikat ang araw, bagkus Kanyang pinangako na tayo ay Kanyang palaging sasamahan at kakalingain sa oras ng kadiliman at unos na sasapit sa ating buhay.

“Minsan ang akala nating katapusan, ay siya palang umpisa pa lamang ng isang bagong simula.”- anonymous

Marina

Nagkataon pero totoo. Ibahagi ko po sa inyo ang isang kwento ng aking isang kaibigan na nilagay ko na lang sa pangalang “marina”.

Sa maraming taon ng paghihintay at paghahanap, Ang “40 yr. old” na si Marina ay hindi pa ring natatagpuan ang kanyang “knight and shining armor.” Handa na niyang tanggapin na baka hindi na siya makapag- asawa, pero mayroon siyang hangarin sa kanyang puso na magkaroon ng anak.

Ang kanyang mga kaibigan ay sinabihan siyang mag-ampon na lamang, ngunit nag-aalinlangan si Marina sa sinabi ng kanyang mga kaibigan. “Alam kong maraming mga batang naghahanap ng bagong tahanan, pero kaya ko kayang mahalin ang batang hindi ko kaanu-ano?” tanong ni Marina sa kanyang sarili. Nalaman niyang may outreach na gagawin ang kanyang mga kaibigan sa isang ampunan sa manila, sumama si Marina na umaasang magiging malaking tulong ito sa kanyang pagdedesisyon.

Natulala si Marina ng makita niya ang bahay ampunan, ang mga bata, ang mga sanggol na may sakit at iniwan ng kanilang mga magulang. Nakatawag ng pansin kay Marina ang isang payat na batang babae, na mayroong napakagandang mata. Halos ilang oras din ang lumipas bago niya napalapit ang bata sa kanyang tabi.

“Anong pangalan mo?” tanong ni Marina.
“Marina po,” malambing na sagot ng bata.
“Pangalan ko rin yan ah!” tuwang tuwa wika ni Marina.
“Ilang taon ka na?” tanong ni Marina.
“Pitong taon na po”, sagot ng bata, sabay bilang ng pito gamit ang kanyang daliri.

Tuwang-tuwa si Marina sa bata at dahan-dahan niya itong niyakap. Sa oras na ‘yon, alam ni Marina na Siya at ang magandang batang ito ay magsasama  sa parehong pangalan at isang pamilya.

Sa ating Panginoon walang nagkataong sorpresa. Ang bawat pangyayari sa bawat minuto ay Kanyang inaayos.

Puwang

Madalas akong makakita sa aking mga dinadaanan ng mga karatulang “space for rent”, ” room for rent”. Ang nakatawag sa akin ng pansin ay ang “space for rent”, dahil pwede kong maiugnay sa aking buhay na minsan ay naghahanap ng puwang ang aking isip at puso. Kayo po? May panahon ba na minsan ay parang kailangan nyong maglagay ng karatulang “space for rent” sa inyong puso at isip?

Nakakapagtaka minsan kung bakit ang isang pangit na pananalita sa atin ng ibang tao ay makaka-aapekto sa ating pag-iisip, ang bawat kilos natin ay apektado, ang magagandang sinasabi sa atin ay hindi makapasok dahil para bang hinaharangan ng naunang salita. Minsan, ang simpleng pagkakamali ay pinagmumulan na magalit tayo sa ating sarili at nagkakaroon tayo ng “self pity” na halos sakupin na ang lahat ng puwang sa ating isip at puso, minsan nauuwi sa hagis dito- hagis doon, padyak dito-padyak doon, biglang padabog na isasara ang pinto.

Walang puwang ang mga pangit na diwa sa ating isipan at puso kung ito lamang ay masusi nating sasalain bago papasukin. Marapat lamang na maging mapanuri tayong “landlord” pagdating sa ating diwa, na ang pahihintulutan lamang makapasok ay ang mga mabubuti at makakatulong sa ating buhay.

Sa Philippians 4:8, sinasabi ni San Pablo na “Bukod dito, mga kapatid, piliin ninyo ang lahat ng totoo, dakila, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig at marangal.”

Ang Panginoon ay lagi nating kasama sa ating buhay para tayo ay Kanyang tulungang suriin lahat ng papasok na diwa sa ating puso at isipan. Kapag ating Siyang tinawag para huwag pahintulutan papasukin ang mga diwang hindi pasado sa Kanyang kuwalipikasyon, walang dudang magkakaroon ng maraming puwang na bakante para sa mga diwang kasiya-siya sa ating Panginoon. Ang mga diwang kahit anong oras ay napakasarap papasukin sa ating puso at isip.. tulad na lang ng, kasama mo Siya sa iyong tabi.

Ang ating Panginoon ay itinituro sa atin ang tamang daan kung saang hindi tayo maliligaw at malilito sa katotohan.