Ano ang Silbi?

Isa pong paalala para sa mga nais maglingkod sa ating bayan:

Ano ang silbi ng kapangyarihan
kung ito’y gagamitin lang sa mga maliliit, mahihina at walang kalaban-laban.
Ang kapangyarihan ay regalo mula sa Itaas,
hindi para gamitin sa mga mahihina at walang kalaban-laban,
kundi para magsilbi sa mga ito ng walang hinihintay na anumang kapalit.

Ano ang silbi ng karunungan,
kung ito’y gagamitin para manloko ng ating kapwa.
Ang karunungan ay regalo mula sa Itaas,
hindi para manloko ng ating kapwa,
kundi para turuan at gabayan sila.

Ano ang silbi ng pagiging mayaman,
kung lalo pang pahihirapan ang mga mga dukha.
Ang kayamanan ay regalo mula sa Itaas,
hindi para itambak sa baul at magpahirap ng kanyang kapwa
kundi para ibahagi sa mga dukha, maysakit, walang tirahan at nangangailangan.

Ang Kapangyarihan, Karunungan at Kayamanan ay regalo mula sa Panginoon,
kaya dapat lang na ingatan at gamitin sa tamang paraan.

aTY 1st Anniversary

Happy  1st Anniversary ang Tanging Yaman!

namamasko po!

namamasko po!

Magandang araw po sa inyong lahat! Masayang masaya ako sa araw na ito, dahil ito ang unang araw na isinilang “ang tanging yaman”. Lubos ang aking pasasalamat kay Big Bro. na isinilang niya ito para makapag bigay ng liwanag at inspirasyon sa mga taong naglalakbay sa madilim na daan ng buhay, makatulong ng simple at maipadama ang Kanyang presensya sa mga taong may kakaibang sakit at sa mga taong nakakaramdam na sila ay nag-iisa sa kanilang pinadaraanan sa buhay.

Sa kabila ng napakarami kong pagkukulang, sa aking pagtalikod sa Kanyang tawag noon ay hindi Siya nagsasawang ako ay gabayan at kalingain. Kaya naman lubos ang aking pasasalamat kay Big Bro. at kay Ina’y Maria. Nagpapasalamat rin ako na binigyan ako ng pagkakataon na kahit dito at sa pamamagitan ng pagtulong ko sa aking kapwa ay mapaglingkuran ko Siya. Salamat at kahit papaano ay nakapag sponsor ako ngayong taon ng tatlong simpleng soup kitchen at makapagbigay ng konti sa mga taong nasa “hands of friendship”.  Kulang pa siguro ang aking ginawa kumpara sa pangangailangan ng aking kapwa at sa kabutihang pinapakita ni Big Bro. sa akin.

At syempre, Sa inyong lahat na aking mambabasa na naging mga kaibigan, maraming maraming salamat po sa inyong pagsuporta at walang sawang pagsubay-subay sa “ang Tanging Yaman”. Sa iba’t ibang blogger at blogsite na nagbigay ng pagkilala at parangal sa akin at sa aTY…maraming salamat po! Ang pinaka magandang regalong aking natanggap ay nadagdagan ang aking mga kaibigan.

Marami pa akong pangarap sa aty, gusto ko pang lumawak ang sakop nito at naaabot pero hindi sapat at limitado lang ang aking pondo kaya ipahintulot nyo po sanang makapaglagay ako ng donations button para sa page na “Hands of Friendship para mas marami pang matulungan at ang matitira ay para sa maintenance ng aty. Sa tuwing aking nakikita at nababalitaang nadagdagan ang mga may sakit, walang makain, walang matitirhan, mga taong naghahanap ng pang-unawa sa kanilang pinagdaraanan. Kailangan kong kumilos at sila ay abutin at tulungan para maiwasang sila at kanilang mahal sa buhay ay tuluyang lumayo at malimutan na mayroong Diyos na nakikinig sa kanilang panalangin at hinaing.

Anuman tulong ay labis naming ikatutuwa at bahala na po si Big Bro na gumanti sa inyong kagandahang loob.

Ipagpaumanhin nyo kung minsanan lang ako makadalaw sa inyong blog, hindi makareply sa inyong comment. Sa ngayon ang inyong lingkod ay dumadaan sa isang krisis at kailangan magtipid…sarling sikap ang trabaho ko ngayon..minsan meron,minsan wala. Umaasa lamang sa Kanyang dakilang awa at grasya. Salamat na lang andyan Siya palagi ang aking Tanging Yaman para ibigay ang aming pang araw-araw na pangangailangan.

God bless us all more this coming year 2010!

In prayer with Mary,

sandi

signature sandi

Kwentong Ondoy

Sa totoo lang, ngayon lang ako nakaranas ng ganitong klaseng baha kahit na ang baha ay hindi iba sa akin, bata pa ako ay namulat na ako sa ganitong pangyayari ngunit ang katatapos na baha ay sadyang kakaiba sa aking mga naranasan..para bang may pinapahiwatig. Ito rin ay nagbigay sa akin noong una ng takot at pangamba. Salamat na lang at buo ang aking pagtitiwala sa ating Diyos.

Ang aming lugar (Pinagbuhatan) ay talagang sadyang bahain lalo na’t sa ganitong mga buwan at mataas ang tubig sa lawa ng laguna.
Kahit na ang mga mananakop na kastila ay naransan ito pagkatapos na unang magtayo ng simbahan dito sa aming lugar, ng maranasan ang ganitong pangyayari nilipat nila ang simbahan sa kabayanan ng pasig na ngayon ay may titulong Immaculate Conception Cathedral at kaya ang aming lugar ay tinawag na Pinagbuhatan dahil sa pinagbuhatan ng malaking simabahan. Konting history po.. :)

Eto naman ang aking kwento baha:

Tatlong araw pagkatapos kong mai-post ang Liwanag sa Gitna ng Bagyo, naranasan ko ang ibang naisulat ko rito.

Sabado ng umaga habang naka-upo ako dito sa harapan ng aking computer ng biglang makadama ako ng malamig sa aking paanan, ng aking makita, isang umaagos na tubig mula sa biyak ng aming sahig na semento. Dali-dali akong tumayo at tinanggal ang mga kable sa aking computer at inilagay sa tingin ko ay hindi na aabot ang tubig baha. Nilipat ko rin ang aming tv, tv rack, sopa kung saan nakalagay ang aking computer at nilagay ko sa ibat-ibang plastic bag ang aking mga gamit.

Mag-tatanghalian na rin ng matapos ako sa aming pagtataas, sa mga oras na iyon wala pa rin tigil ang malakas na ulan pero naging kampante na ako na hindi na tataas ang tubig at aabutin ang lahat ng aming tinaas. Ngunit nagkamali ako, patuloy pa rin ang pagtaas ng tubig kaya nilipat ko muli sa pangalawang pagkakataon ang aming gamit sa mas mataas na lugar.. kinuha ko ang aming lamesang kainan at doon pinatong ang computer at tv.. kumuha ako ng mga monoblock chair at doon pinatong ang aming mga sofa. Pinatong namin sa apat na LPG tank na walang laman ang aming ref. sa pag-aakalang hindi na ito aabutin. Ang isa pang aking ina-aalala ng mga oras na iyon ay aking mga aso na malapit ng abuting ng tubig ang kanilang kinalalagyan, kaya kumuha ako ng katre at doon nilagay ang aking mga aso.

Alas Dos ng hapon wala pa rin tigil ang malakas na ulan, ang balat ng aking daliri sa paa at kamay ay kulubot na sa matagal na pagbabad sa tubig. Naka-ilang basong kape yata ako sa mga araw na iyon. Kailangan ko naman tulungan mag-taas ng kanilang gamit ang aking kapatid na nasa kabilang kalsada at ibang kamag-anak.

Alas-kuwatro ng makabalik ako sa aming bahay. Ganun pa rin kalakas ang ulan, hindi pa rin tumitigil ang pag-taas ng tubig at maagang nagdidilim ang buong paligid. Ang katreng pinaglalagyan ng aking mga aso ay inabot na ng tubig, walang tigil ang kanilang kahulan. Ang lamesang pinaglalagyan ng aming tv at computer ay malapit ng abutin ng tubig at ang ang LPG tank ay nagbabadyang lumutang at ilang sandali ay pwede nilang ibagsak ang aming Ref.

Kaya, wala na kaming pagpipilian kungdi ang ilagay ang aming gamit sa 2nd floor ng aming bahay. Ang mga gamit na hindi kasya sa hagdanan ay naiwan sa 1st floor at tuluyan ng nalubog ng tubig. Ang aking mga aso ay isa-isa kong pinalangoy at binuhat paakyat sa 2nd floor ng aming bahay at nilagay sa aking kuwarto.

Our house after one week

Our house after one week

Ng sumapit ang gabi, ang buong paligid ay nabalot ng kadiliman dulot ng sama ng panahon at walang kuryente. Ang malakas na ulan ay humina at unti-unti na rin tumitigil ang pagtaas ng tubig. Tahimik na tahimik ng gabing iyon wari bang ang lahat sa aming lugar ay napagod sa pagsalba sa kanilang mga gamit. Ng gabing iyon, kami ay magkakasama lahat ng aming pamilya, mga aso at pusa sa 2nd floor ng aming bahay at sa aking pagtulog, ako ay umaasang sa aking pagka-gising wala na ang tubig bahang pumasok sa aming bahay.

Sa loob ng kalahating araw ng sabadong iyon umabot ng apat na pulgada ang lalim ng tubig sa loob ng aming bahay, sa kalsada ay limang pulgada ang lalim. Ang tubig baha ay nawala at naibalik ang kuryente sa amin lugar pagkatapos ng tatlong linggo.

children who live near our house and stayed outside their houses during the flood..

children near our house and lived outside their house during the flood..

children who live near our home and stayed at the roof of their houses during the flood

children who live near our home and stayed at the roof of their houses during the flood

DSC08502

signature sandi

Simulan Sa Iyong Sarili

Kapag pinagmamasdan natin ang ating mundong ginagalawan, marami tayong naiisip na gusto nating baguhin. Minsan, nakakalungkot isipin kapag ang problema ay tila ba wala ng lunas- digmaan, kahirapan, kawalan ng trabaho, pababago ng klima. Ang iba sa atin ay tumatayo para ipag-laban ang mga kanilang paniniwala at ang iba naman sa atin ay sumusuko na lamang dahil sa tingin nila ay imposibleng magkaroon pa ng pagbabago. Lingid sa iba, may paraan pa para baguhin ang ating mundong ginagalawan..ito ay ang suriin at baguhin ang ating mga sarili.

Kapag binago ko ang aking pananaw, maraming magagandang nangyayari sa aking buhay..ang aking ginagalawan ay nababago rin. Ang ating mga pananaw ang siyang lumilikha ng ating reyalidad.

Kung palagi nating bibigyan ng pansin ang mga kamalian,takot,kawalan at pagkawalay,ito palagi ang ating makikita. Kung sisimulan nating bigyan ng pansin ang pagbibigay halaga at pagpapasalamat, nagkakaroon tayo ng kamalayan na makita ang mga araw-araw na blessings sa ating buhay. Ang makuntento,pahalagahan at ipagpasalamat ang mga bagay na binigay sa atin ay nagbibigay sa atin ng lubos na pagmamahal sa ating mga sariling buhay na siyang ipinagkaloob sa atin ng Diyos.

Habang ang ating magandang pananaw sa buhay ay lumalawak, nagiging natural na lang sa atin ang kaagad kumalinga sa ating mundong ginagalawan.

Kung nais natin ng pagbabago, simulan natin sa ating mga sarili. Kung nais nating makita ang kagalakan, kapayapaan at pag-ibig sa iba, humanap tayo ng paraan para ito ay maibigay sa iba at ibigay ng mas higit pa sa binibigay nating pagmamahal sa ating mga sarili. Sa ating paglago palagi nating piliin ang magmahal, magpatawad at umunawa.

Ang Tanging Yaman

Dalawang dekada ang lumipas, Pumasok sa aking isipan ang salitang “Tanging Yaman” ng ako ay isang aktibong choir member pa lamang sa aming simbahan. Isang kantang sinulat ni Fr. Manoling Francisco,heswita. Nagbigay  inspirasyon sa akin ang kantang ito, para sa aking araw-araw na pakikipagsapalaran sa mundong aking ginagalawan. Ang mga salitang ito ay nagsilbing paalala sa akin na huwag akong maghangad ng labis, ang huwag maiingit. Umasa lagi at magtiwala sa Kanyang kalooban at pagpapala, dahil Siya ang mas nakakahigit, sa Kanya lahat nagmumula ang lahat dahil Siya ang ating Panginoon, ang ating Tanging Yaman.

Matagal ko na rin pinangarap na makapagtayo ng isang sariling negosyo na ang pangalan ay “Tanging yaman” bilang pasasalamat sa lahat ng biyayang Kanyang binibigay. Dumaan ang maraming taon wala akong negosyong napundar dahil walang sapat na kapital. Ngunit may iba palang plano ang ating Diyos, ang plano pala Niya ay magbigay ako ng inspirasyon sa mga kagaya kong minsan ay hinahanap Siya, sa mga taong nabibigatan sa kanilang dalahin, sa mga nag-iisa, sa mga taong maysakit at walang sapat na pampapagamot at sa mga taong nagugutom.

Labis akong natutuwa na nagamit ko ang salitang “Tanging Yaman” para Siya ay aking parangalan at magbigay ng inspirasyon sa inyo at sa ibang tao. Ito ay isang katuparan ng aking mga pangarap. Nawa’y ang pagpapala ng ating Panginoon ay palagi nating madama.

God bless us all!

Sa Ating Paglago

“Lumago kang kilala Siya at malapit sa ating Diyos dahil Siya ang ating Tanging Yaman.”

rainnyMay isang istorya ng isang “acorn nut” na nahulog sa loob ng isang lata at natabunan ng lupa. Dumaang ang mga araw, isang maliit na talbos  ang sumibol at tumulak papalabas ng lupa. Ang bagong sibol na talbos ay kumuha ng tamang-tama sustansiya para siya ay lumago at mabuhay. Maraming taon ang dumaan, ang maliit na  acorn na binalewala ang tigas ng lata ay naging isang malaking puno kung tawagin ay “oak tree”.

Araw-araw tayo ay nabibigyan ng hindi mabilang na pagkakataon para samantalahin na mag-simula muli. Ang bagong simula ay dumarating kapag may natapos na ibang pangyayari sa ating buhay. Kapag hinayaan natin ang ating mga kasalanan ay mawala sa ating mga puso, tayo ay nagkakaroon ng panibagong buhay kasama ang ating Panginoon. Tayo ay lumalago katulad ng isang mataas at matibay na puno, na nagsimula sa isang maliit na binhi.

Katulad ng isang maliit na binhi, tayo ay unti-unting lumalago ng hindi growing on you 5nating namamalayan. Tayo ay nabubuhay dahil sa Kanyang dakilang pagmamahal at pagkalinga sa ating lahat. Hindi Niya pinangako na palaging bughaw ang kalangitan at hindi rin Niya pinangako na palaging sisikat ang araw, bagkus Kanyang pinangako na tayo ay Kanyang palaging sasamahan at kakalingain sa oras ng kadiliman at unos na sasapit sa ating buhay.

“Minsan ang akala nating katapusan, ay siya palang umpisa pa lamang ng isang bagong simula.”- anonymous

Sa Bawat Umaga

Ang bawat umaga ay may hatid laging bago sa pagsisimula ng bawat araw. Ang mga ibon ay humuhuni ng kanilang mga pang-umagang awitin. Ang araw ay unti-unting sumisilip sa kanyang pinagtataguan. Sa pagsibol ng bagong araw, may bagong kamalayan na ang Kanyang mga kamay ay may ginagawa sa ating puso at buhay. Ang kahapon ay tapos na, Ang bukas ay isang araw pa, Ngunit ang ngayon ay may hatid na bagong simula.

“O Panginoon, sa bukangliwayway, dinidinig Mo ako; sa bukangliwayway, sa’yo ako dumudulog, naghihintay at nanabik.”- salmo 5:4

Ang ating Panginoon ay palagi tayong inaanyayahan na maglaan ng oras para sa Kanya bago nating harapin ang mga pang araw araw nating ginagawa. Hinihikayat Niya tayong unahin muna Siyang lapitan bago ang lahat.

Bakit? Dahil kailangan natin Siya. Ang malaman nating kailangan natin Siya ay napakabuti para simulan ang bawat araw.

Katulad din ng isang masarap na tulog na nagpapalakas sa ating katawan, ang tahimik na oras kasama Siya sa bawat pagsisimula ng araw ay nagpapasigla ng ating mga pang araw araw nating gawain. Ang simulan ang bawat araw na kasama Siya ay makakagawa ng isang pagbabago sa pagitan ng nasayang na araw at araw na masasabi nating “well lived”.

Anuman ang nangyari kahapon, meron kang ngayon. Ito ay regalo mula sa Kanya. Buksan nyo ang inyong mga puso sa isang tahimik na sandali na kasama Siya.

Nawa’y ang paskil na ito ay makatulong sa inyo para makilala Siya ng lubusan, paginhawahin ang inyong isipan at pasiglahin ang inyong mga puso.

“All the troubles of life come upon us because we refuse to sit quietly for a while each day in our rooms.” -Blaise Pascal

Isang Araw na Maganda po sa inyo- sandi

Pagbuhos ng Ulan

Mula sa sinasakyang traysikel, pinagmamasdan ni Andoy ang pagbuhos ng ulan. Wala siyang ibang naririnig kundi ang ingay ng motorsiklo at ingay ng patak ng ulan na para bang isang awiting masarap pakinggan. Bigla ay, sumagi sa kanyang isip ang winika nya sa isang kaibigan nung hayskul ng sila ay muling nagkita.

Andoy: Kamusta?
Kaibigan: Eto ayos lang at may sarili ng pamilya!
Andoy: Nakakatuwa naman.. doktor ka na pala?
Kaibigan: Ah hindi pa.. pero malapit na!
Andoy: pediatrician ka ba kapag ikaw ay natapos?
Kaibigan: pinag-iisipan ko pa.. pwedeng pedia, espesyalista sa puso o neuro.
Andoy: Ganun ba.. pwede bang sa neuro ka na lang?
Kaibigan: Bakit naman.. maysakit ka ba dito?
Andoy: Wala naman! Gusto ka lang may mapagtanungan… balak ko kasing maglingkod sa mga taong maysakit na may kaugnayan dito.

Nangingiti si Andoy ng maalala ito, habang nakasakay pa rin sa traysikel.

Palagi nyang tinatanong ang sarili kung kailan, paano nya uumpisahan ang pangarap at saan siya kukuha ng pera para pangtulong sa kanila ngunit, habang bumubuhos ang malakas na ulan, naisip nyang, siya pala ay unti-unti ng humakbang ng hindi nya namamalayan. “ako pala ay nagsisimula na” wika ni Andoy.

Tumigil siya sandali sa pag-iisip at binaling ang isip sa Panginoon.
“salamat po sa lahat ng biyayang aking tinatanggap at paumanhin kapag ako ay nakakalimot magpasalamt sayo sa mga mumunitng bagay na iyong binibigay.” bulong nya sa Panginoon.

Bigla ay pinatigil ni Andoy ang traysikel, na isang kilometro na lang sa kanyang bahay. “Dito na lang po ako.. eto po ang bayad”. wika ni Andoy.
“po? pero malapit na po tayo..mababasa po kayo kapag kayo ay bumaba” wika ng drayber ng traysikel kay Andoy.
“Ayos lang ‘yon! eto ang bayad..salamat.” wika ni Andoy sa drayber.

Bumaba si Andoy ng traysikel at tumayo sa malakas na buhos ng ulan. Tuwang tuwa siya habang unti-unting nababasa ang kanyang buhok.. ang kanyang mukha at hindi nagtagal ay kanyang katawan. Nagtatakang pinagmamasdan siya ng ibang tao habang naglalakad patungo sa kanyang bahay. Ang kay Andoy ay, natutuwa na ang pangarap ay unti- unting lumilinaw at damahin ang binubuhos na pagmamahal ng Panginoon sa kanyang buhay.

Hingin nyo rin sa ating Panginoon na ulanan ang inyong buhay ng Kanyang pagmamahal. ;)