aTY 1st Anniversary

Happy  1st Anniversary ang Tanging Yaman!

namamasko po!

namamasko po!

Magandang araw po sa inyong lahat! Masayang masaya ako sa araw na ito, dahil ito ang unang araw na isinilang “ang tanging yaman”. Lubos ang aking pasasalamat kay Big Bro. na isinilang niya ito para makapag bigay ng liwanag at inspirasyon sa mga taong naglalakbay sa madilim na daan ng buhay, makatulong ng simple at maipadama ang Kanyang presensya sa mga taong may kakaibang sakit at sa mga taong nakakaramdam na sila ay nag-iisa sa kanilang pinadaraanan sa buhay.

Sa kabila ng napakarami kong pagkukulang, sa aking pagtalikod sa Kanyang tawag noon ay hindi Siya nagsasawang ako ay gabayan at kalingain. Kaya naman lubos ang aking pasasalamat kay Big Bro. at kay Ina’y Maria. Nagpapasalamat rin ako na binigyan ako ng pagkakataon na kahit dito at sa pamamagitan ng pagtulong ko sa aking kapwa ay mapaglingkuran ko Siya. Salamat at kahit papaano ay nakapag sponsor ako ngayong taon ng tatlong simpleng soup kitchen at makapagbigay ng konti sa mga taong nasa “hands of friendship”.  Kulang pa siguro ang aking ginawa kumpara sa pangangailangan ng aking kapwa at sa kabutihang pinapakita ni Big Bro. sa akin.

At syempre, Sa inyong lahat na aking mambabasa na naging mga kaibigan, maraming maraming salamat po sa inyong pagsuporta at walang sawang pagsubay-subay sa “ang Tanging Yaman”. Sa iba’t ibang blogger at blogsite na nagbigay ng pagkilala at parangal sa akin at sa aTY…maraming salamat po! Ang pinaka magandang regalong aking natanggap ay nadagdagan ang aking mga kaibigan.

Marami pa akong pangarap sa aty, gusto ko pang lumawak ang sakop nito at naaabot pero hindi sapat at limitado lang ang aking pondo kaya ipahintulot nyo po sanang makapaglagay ako ng donations button para sa page na “Hands of Friendship para mas marami pang matulungan at ang matitira ay para sa maintenance ng aty. Sa tuwing aking nakikita at nababalitaang nadagdagan ang mga may sakit, walang makain, walang matitirhan, mga taong naghahanap ng pang-unawa sa kanilang pinagdaraanan. Kailangan kong kumilos at sila ay abutin at tulungan para maiwasang sila at kanilang mahal sa buhay ay tuluyang lumayo at malimutan na mayroong Diyos na nakikinig sa kanilang panalangin at hinaing.

Anuman tulong ay labis naming ikatutuwa at bahala na po si Big Bro na gumanti sa inyong kagandahang loob.

Ipagpaumanhin nyo kung minsanan lang ako makadalaw sa inyong blog, hindi makareply sa inyong comment. Sa ngayon ang inyong lingkod ay dumadaan sa isang krisis at kailangan magtipid…sarling sikap ang trabaho ko ngayon..minsan meron,minsan wala. Umaasa lamang sa Kanyang dakilang awa at grasya. Salamat na lang andyan Siya palagi ang aking Tanging Yaman para ibigay ang aming pang araw-araw na pangangailangan.

God bless us all more this coming year 2010!

In prayer with Mary,

sandi

signature sandi

Sino ang Iyong Inspirasyon?

“Brothers and sisters, none of us lives for oneself, and no one dies for oneself. For if we live, we live for the Lord, and we if we die, we die for the Lord. So then, whether we live or die we are for the Lord.” -Romans 14

May mga taong nagbibigay inspirasyon sa napakaraming tao sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Tayo ay pwedeng humanga sa mga leader, athletes, scientist, geniuses, authors, actor and actress, artists.
Sinuman taong sinusubukang lagpasan ang kakayahan ng kanyang sarili ay nakakapukaw sa ating pansin at mapa-isip. Pinaparamdam sa atin na ang limitasyong binibigay natin sa ating mga sarili ay maari din nating malagpasan.

I admire people from all walks of life, Ang pagka-kawanggawa ni Mother Teresa na maraming hinipong mga tao, ang kadakilaan ni St. Francis of Assisi, ang mga relihiyosong nagbuwis ng kanilang mga buhay para ikalat ang Kristyanismo sa buong mundo. Ang mga taong iniisip muna ang kapakanan ng iba kaysa sa kanyang sarili, tulad na lang ng mga taong sinuong ang panganib, naglaan ng panahon at oras nitong mga nakaraang kalamidad para lang makapag salba ng buhay, makapagdala ng gamot at pagkain. Ang mga taong ipinaglalaban ang pagpapahalaga sa buhay, kalayaan at karapatan ng bawat nilikha, si Nelson Mandela, sina Mahatma at Indira Gandhi, sina Ninoy at Cory Aquino at ang ating mga bayani.

Ang aking pinaka-mamahal na nanay at tatay ay nagsisilbing inspirasyon sa akin. Ang kanilang kasipagan, katapangan at walang hanggang pang-unawa ang siyang nagbibigay sa akin na magtiwala sa aking sarili at kakayahan. Ako rin ay humahanga sa ibat-ibang tao, sa aking mga kaibigan, kapwa blogger na sa pamamagitan ng kanilang pagsusulat at iba’t ibang sariling paraan ay unti-unting tinataas ang antas ng pagpapahalaga at pag-kalinga sa lahat ng buhay na binigay ng Diyos.

Sino ang nagbibigay inspirasyon sa iyong buhay? Nawa’y ang mga hinahangaan natin ay hindi lang magsilbing ating idolong tinitingala kungdi magsilbing paalala sa ating kakayahan. Hindi nating kailangan gumawa ng extra ordinaryo para makapa mamuhay ng extra ordinaryo, hindi natin kailangan ang iba’t ibang pananaw ng mundo sa lahat ng ating ginagawa para ito ay maging mahalaga. Ang ating pagpapahalaga sa paglago at pagbabago bilang indibidwal ang siyang importante.

Sino ang iyong inspirasyon?

Para sa mga hindi pa nakikita ang videong ito: you are the light

signature sandi

Ang Tanging Yaman

Dalawang dekada ang lumipas, Pumasok sa aking isipan ang salitang “Tanging Yaman” ng ako ay isang aktibong choir member pa lamang sa aming simbahan. Isang kantang sinulat ni Fr. Manoling Francisco,heswita. Nagbigay  inspirasyon sa akin ang kantang ito, para sa aking araw-araw na pakikipagsapalaran sa mundong aking ginagalawan. Ang mga salitang ito ay nagsilbing paalala sa akin na huwag akong maghangad ng labis, ang huwag maiingit. Umasa lagi at magtiwala sa Kanyang kalooban at pagpapala, dahil Siya ang mas nakakahigit, sa Kanya lahat nagmumula ang lahat dahil Siya ang ating Panginoon, ang ating Tanging Yaman.

Matagal ko na rin pinangarap na makapagtayo ng isang sariling negosyo na ang pangalan ay “Tanging yaman” bilang pasasalamat sa lahat ng biyayang Kanyang binibigay. Dumaan ang maraming taon wala akong negosyong napundar dahil walang sapat na kapital. Ngunit may iba palang plano ang ating Diyos, ang plano pala Niya ay magbigay ako ng inspirasyon sa mga kagaya kong minsan ay hinahanap Siya, sa mga taong nabibigatan sa kanilang dalahin, sa mga nag-iisa, sa mga taong maysakit at walang sapat na pampapagamot at sa mga taong nagugutom.

Labis akong natutuwa na nagamit ko ang salitang “Tanging Yaman” para Siya ay aking parangalan at magbigay ng inspirasyon sa inyo at sa ibang tao. Ito ay isang katuparan ng aking mga pangarap. Nawa’y ang pagpapala ng ating Panginoon ay palagi nating madama.

God bless us all!

Huwag Kang Mangamba Aking Kaibigan

Natatakot ka ba? Walang masama kung ikaw ay may pangambang dinadala sa iyong kalooban. Ayon sa mga relihiyoso, normal lang sa atin na makaramdam ng pangamba sa ating mga pinagdadaanan. Katulad na rin ng nangyari sa mga disipulo habang sila ay nakasakay sa isang bangka, kasama si Hesus. ( Lukas 8:22-25)

Huwag lang nating kalilimutan na kasama natin Siya sa ating bangkang sinasakyan. Hindi tayo nag-iisa at wala tayong dapat ipangamba. Ang paglalakbay ay magpapatuloy at ang maalong dagat ay kakalma dahil sa Kanya.

Kahit ako, ay nakakaramdam ng pangamba sa aking mga pinagdadaan. Kaya minsan, nagdadalawang isip akong ituloy ang aking paglalakabay. Ngunit ang daan aking iniiwasan ang sadyang nais ng Kaibigan kong lakaran ko, dahil kahit anong iwas ko, dito pa rin ako lalabas.  Kahit sinong makilala ko,  dito at dito pa rin ako ituturo.

Parang ang Panginoon ay nakikipag-usap sa akin, Dahil sa mga pangyayari nitong nakaraang linggo na magkakatugma, ang mga pagbasa sa ebanghelyo, ang kaibigang hindi ko naman pinili at nito ko lang nalaman na may kaugnayan pala sa “tawag” na aking tinutugon, ang siyang nagbigay sa akin ng inspirasyon na ituloy na ang gawaing ito.

Kaya, Gumawa po ako ng isang video na inahahandog ko po para sa inyong lahat na aking mga kaibigan, sa tunay na mundo, sa blogosperyo…. at sa aking mga espesyal na mga kaibigang may karamdaman at sa kanilang pamilya, sa mga batang kalye, sa mga dukha ng mga dukha, sa iba pa.

Alam kong ang iba sa inyo ay hindi ito mapapakinggan dahil sa inyong karamdaman, ngunit umaasa ako na maramdaman nyo lagi ang presensiya ng ating Panginoon sa inyong buhay at umaasa ako na darating  din ang araw na ito ay inyong mapapakinggan.

artist: Himig Heswita
Album: Your Dwelling Place

Huwag Kang Mangamba



(lyrics)

Chorus:
Huwag kang mangamba.
Di ka nagiisa.
Sasamahan kita.
Saan man magpunta.
Ika’y mahalaga.
Sa aking mga mata.
Minamahal kita.
Minamahal kita.

Tinawag kita sa iyong pangalan.
Ikaw ay Akin magpakailanman.
Ako ang Panginoon mo at Diyos.
Tagapagligtas mo at tagatubos.

(repeat chorus)

Sa tubig kita sasagipin.
Sa apoy ililigtas man din.
Ako ang Panginoon mo at Diyos.
Tagapagligtas mo at tagatubos.

(repeat chorus)


Pagpalain nawa kayo lagi ng ating Panginoong Diyos at lagi nyo sanang damahin ang presensiya ng ating Panginoon Diyos.

Maraming Salamat po sa Inyo! Mahal ko po kayong lahat ;)

Sa Paglipas ng Araw

Minsan, tinatanong natin ang ating sarili kung saan napupunta ang lumipas na araw. Napaka-bilis magpalit ng araw, ang nakaraan linggo ay parang kahapon lamang at ang nakaraang buwan ay parang kailan lamang.

Ang masakit nito, hindi natin matandaan kung paano natin ito nagamit.

“Sana ay maibalik ko ang nakaraan?” “Ano ba ang aking nagawa nitong mga nakaraang araw?” “Eto lang ba ang aking nagawa sa mga lumipas na araw.” Tanong natin minsan sa ating sarili.

Nagpapakahirap tayong hanapin ang kaligayahan, pero madalas, hindi nating nauunawaan na ang kaligayahang ating hinahanap ay hindi isang mithiing dapat nating pag wagian, kungdi isang bunga ng bawat araw na ating ginugol.

Bago lumipas ang bawat araw, suriing nating ang ating mga nagawa at ang ating naging ugali ng hindi nating ito panghinayangan pagdating ng araw. Ilagay natin sa Kanyang mga kamay ang masama at ang mabuting nangyari sa atin. Umasa tayong na ang bawat bukas na darating ay magbibigay sa atin ng bagong oportunidad, ang pagkakamali na ating nagawa ay maitama natin dahil sa Kanyang awa at ituloy ang ating araw araw na buhay na dala-dala ang Kanyang pagmamahal.

Mama, Nanay, Mommy

Para po sa inyo..

May isang nanay na bumili ng isang masarap na cake sa isang bakery, chocolate na may almond. Binigay sa kanyang anak na limang taon gulang. Tinikman ng bata ang cake at pagkatapos ay biglang niluwa. Nagsalita sa kanyang nanay: “Ano ba ito, hindi masarap..ayoko nito!” reaksyon ng bata. Hindi nagsalita ang nanay sa kabila ng pagtanggi ng anak, dahil mahal nya ito. Bumili na lang siya ng iba.

Ang ina ay hinubog sa ganitong paraan.. ang huwag isara ang kanyang puso at patuloy na magmahal.

**********************

Isang Ina ang nagawi sa isang tindahan ng bisikleta, naisipan nyang bilhan ang kanyang anak na anim na taong gulang. Matagal tagal na rin namang syang kinukulit nito na ibili siya ng ganito. Sa pagmamahal sa anak,bumili siya. Tuwang-tuwa ang bata ng makita ang binili ng kanyang Ina para sa kanya.

Lumipas ang dalawang araw, Nakita ng Ina ang kanyang anak na umiiyak at parang galit. “Ang binili mong bisikleta ay hindi maganda! Sira agad! Ayoko na nyan.” Padabog na wika ng bata. Binuhat ng buong pasensiya ng Ina ang bisikleta at ipinaayos ang sira. Pagkatapos, binalik sa bata ang bisikleta at naging masaya na ulit ito.

Ang Ina ay likas na matiisin at mapagpasensiya at handa laging magpatawad.

******************

Siya ay isang ordinaryong babae.
Ang kanyang diploma ay pang elementarya lamang,
Ngunit binuhay nya ang kanyang pamilya ng buong sikap,
Binigyan ng apat na anak, ang iba ay mayroon ng sariling pamilya.

Gigising sa madaling araw para magluto ng pansit, sopas at tsamporado para itinda sa umaga, pagkatapos ay magluluto ulit para naman may itindang ulam para sa tanghalian. Minsan naloloko ng kanyang kapwa dahil sa kanyang sobrang kabaitan. Ngunit kahit na ganun, na may ginawang masama sa kanya, hindi kailan man siya nagtanim ng galit sa kanyang kapwa bagkus tinutulungan nya pa ulit ito.
Siya po ang aking mahal na nanay.Happy Mothers Day!

sa lahat ng mga nanay at sa inyong mga nanay … Hapi Mothers Day po!

at kay Ina’y Maria.. Hapi Mothers Day!

Panalangin Sa Kanyang Dakilang Awa

Ama namin, Ako po ay nanalig sa’yong Dakilang Habag.
Alisin Mo po ang kasakiman sa aking isip at puso,
palitan Mo po ito ng Iyong walang hanggang pag-ibig,
ng sa ganon, ako ay maging tagapag-dala ng Iyong dakilang pagmamahal.

Nawa, ako ay maging tahanan sa mga taong walang masilungan,
maging higaan sa mga taong gustong magpahinga.
Nawa, ako ay maging lunas sa mga taong maysakit at nanghihina,
alagaan sila hanggang ang kanilang nararamdamang pighati ay mabigyan ng lunas.

Nawa, ako ay maging simpleng pagkain na bubusog sa kanilang mga sikmura,
maging tubig sa oras na sila ay nauuhaw.
Nawa, ako’y gawin Mong isang may sinding kandila
sa mga taong naghahanap ng Iyong liwanag at
maging gabay sa mga taong naliligaw ng landas.

Nawa, ako’y maging tagapaghatid ng Iyong saya sa oras na sila ay
nalulumbay at nag-iisa.
Huwag Mo po sanang ipahintulot na may masaktan ako ng kalooban,
dahil sa aking maling kilos at salita.

Sa mga taong nagmamahal o nagagalit sa ‘kin,
Sa mga taong palaging sinasaktan ang aking kalooban at hindi ako nauunawaan,
Palagi Mo po silang gabayan at pagpalain katulad ng iyong pag-gabay sa akin.

Ang lahat ng ito’y itinataas ko Sa’yo, aking Panginoong Hesukristo.

Amen.

Ina’y Maria ipanalangin mo po ako ng sa ganun ang lahat ng ito’y aking magawa..

St.Francis of Assisi, Blessed Mother Teresa… ipanalangin mo ako!

signature sandi

Ina’y Maria, Maraming Salamat

Ako, ay isang sakitin noong ako ay bata pa, palaging dinadapuan ng mataas na lagnat, at sa tuwing ako’y may lagnat kasama na nito ang aking pagkokombulsyon. Nandyan naman ang aking nanay para ako ay alagaan, halos maligo ako sa kapupunas ng suka (vinegar) para bumaba ang aking lagnat.

Ang hindi ko makalimutan ay ang dalawang magka tulad na pangyayari sa magka- ibang taon noong ako ay bata pa, habang ako ay inaapoy ng lagnat. Isang pangyayaring, kahit ngayon ay iniisip ko pa rin kung panaginip lang o sadya talagang nangyari.

eto po ang aking kwento:

habang ako ay nasa higaan at may lagnat, may narinig akong isang pamilyar na awit.. ang naririnig ko ay ang Ave Maria. Tumayo ako na para bang walang karamdaman, dumungaw ako sa bintana at doon nakita ko sa kalsada ang isang prusisyon para kay Ina’y Maria, nakita ko doon ang imahe ng Mahal na Birheng Maria, habang ang mga tao ay may hawak na sinding kandila. Tinawag ko ang aking nanay at sinabi sa kanya na may prusisyon sa kalsada, ngunit ang tugon lang sa akin ng aking nanay ay “wala naman akong naririnig at nakikita, matulog ka na, para gumaling ka na”. Nagtataka ako kung bakit wala, samantalang kitang kita ng aking mata ang mga nakasinding kandila at naririnig ng aking tenga ang awit na ave maria.

Kinabukasan, ang aking sakit ay parang dahilan lamang, magaan na ang aking pakiramdam, wala na akong lagnat. Kaya, para mapatunayan ang aking nakita noong gabi, niyaya ko ang aking nanay sa kalsada para ipakita ang mga naiwang patak ng kandila. Hindi ako makapaniwala, wala akong makitang patak ng kandila.

At muli, nangyari sa akin ito ng dalawang beses sa mag kaibang taon habang ako ay inaapoy ng lagnat.

Maraming Salamat Ina’y Maria!

Etong video inyong mapapanood ay kuha last Dec. 7, 2008 sa Immaculate Conception Cathedral, Pasig City. The Coronation of the Blessed Virgin Mary.

medyo matagal lang po magbuffer.. sana ay mahintay nyo :)

Tignan dito ang link..