Umabot na sa kaalaman ni Sarah ang kumakalat na tsismis sa buong school campus. Alam nyang si Rey ang nagkakalat ng maling kwento, ang baligtarin ang pangyayari para mapunta kay Sarah ang sisi ay ang tanging paraan ni Rey para ‘wag pumangit ang kanyang imahe sa buong campus. Noong una, Sinubukang kausapin ni Sarah si Rey para ituwid at linawin ang lahat ng pangyayari, ngunit pasigaw at galit na nagbitaw ng mga salitang hindi pag amin sa kamalian si Rey.
Gustong ipagtanggol ni Sarah ang kanyang sarili. Ngunit pagkatapos nyang tumahimik at kausapin sandali ang Panginoon, may parang bumulong sa kanya, “hintay Sarah”. Nanlalaban pa rin ang kalooban ni Sarah, gustong ipagtanggol ang sarili at itama ang mga kumakalat na maling kwento tungkol sa kanya. Pinigilan na lamang nya ang kanyang sarili at sa tuwing maririnig ang pangalan ni Rey ay kinakagat na lamang nya ng bahagya ang kanyang labi, dahil nagtitiwala sya sa kagustuhan ng Panginoon.
Dumaan ang ilang buwan. Hindi pa rin binabago ni Rey ang kanyang kwento, ngunit may nagbago sa kalooban ni Sarah. Kapag papasok sa isip nya si Rey o makakasalubong ito sa daan, ang lahat ay pinauubaya na lamang nya sa Panginoon. Ang lahat ng pangyayari ay isinuko na lamang ni Sarah sa Kanya, dahil alam niyang ang Diyos lamang ang nakaka alam ng buong katotohanan at buo nyang pagkatao. Pinili ni Sarah ang magpatawad at ituloy ang nasimulang paglalakbay.
May dala-dala ba kayo sa inyong kaloobang, problema sa taong may kaugnayan sa inyong buhay na kailangan nyong isuko sa Kamay ng Panginoon?
