May isang istorya sa isang abalang kalsada, may isang matandang babaeng walang tirahan ang nakatayo sa gilid nito habang ang malakas na ulan ay unti-unti bumubuhos.
Ang mga taong naglalakad sa kalsada at nagtatrabaho sa kalapit na mga opisina ay dali-daling sumisilong sa mga gusali at restwaran. Ang mga taong may magagarang payong, mga may dala-dalang shopping bags at magagandang briefcase ay dinaraanan lang ang matandang babae na para bang hindi napapansin.
“Lord, sana po ay may makapansin sa akin” wika ng matandang babae. Ang babae ay nagdarasal habang siya ay unti-unting nababasa ng malakas na ulan. “Ito lang po ang aking hiling sa inyo..ang may makapansin sa akin”. Pumasok sa kanyang isip kung ang panalangin ng isang dukhang katulad niya ay pinakikingan ng Diyos. “Lord, nariyan ka ba?” “Nawala na sa akin ang lahat, pati ba naman Ikaw?” “Kailangan kasi kita sa aking buhay.”
Habang ang matandang babae ay naghihintay ng tutulong sa kanya, mayroon isang babaeng nagmamaneho ng kanyang auto ang napadaan sa kalsada. Katulad ng kanyang naka-ugalian siya ay palaging nanalangin sa ating Diyos, “Lord, sana po ay maging instrumento mo ako ngayong araw na ito.” Sa bintana ng kanyang sasakyan, nakita niya ang matandang babaeng nakatayo sa isang sulok, basang-basa at giniginaw. Ng walang pasubali, pinarada ng babae ang kanyang auto sa gilid ng kalsada at tumakbo patungo sa matanda. Dahan-dahan niyang inabot ang kamay ng di-kilalang babae at tinanong. “Paano ko po kayo matutulungan”. tanong ng babae.
Ang mata ng matandang babae ay napuno ng luha ng kagalakan. “Pinakinggan mo ang aking panalangin sa Iyo.” wika niya.
Minsan, pumapasok sa ating isipan ang magtanong kung pinakikingan nga ba ng ating Diyos ang ating panalangin sa Kanya. Katulad ng matandang babae sa kuwento, isang taong walang tirahan, kulang ang kaalaman sa ating Diyos, naghihintay lagi ng tulong sa mga taong laging nakahandang tumulong at ipakita ang mukha ng Panginoon sa kanila.
Ayon sa mga relihiyoso at eksperto ang “panalangin” ay pakikipag-usap natin sa ating Panginoon, ito ay nagbibigay sa ating ng pag-asa habang pina-aabot natin sa langit ang ating mga minimithi. Ang panalangin ay nagsisilbing payong ng kapayapaan at habang tayo ay nakasukob sa ating Panginoon, tayo ay Kanyang pinagmamasdan at kinakausap, “Kaibigan, ikaw ay mahalaga sa Akin at mahal na mahal kita.”
Sa panalangin, ang ating Diyos ay pinakikingan tayo ng pantay-pantay. Pinahahalagahan Niya ang hinaing ng bawat taong nagsasabing “kailangan po kita Lord.” Hindi natin kailangan ng perpektong pagdarasal para ito ay Kanyang pakinggan. Walang pormula para ang ating panalangin ay siguradong Kanyang tugunin. Sundan natin ang ginawa ng matandang babae sa istorya, ang aminin na kailangan natin Siya sa ating buhay, hangad natin ang Kanyang presensiya, at naghihintay lagi ng Kanyang pag-tugon.
Ang panalangin ay ang susi para sa isang masaganang buhay espiritwal. Ito ay magbibigay sa ating ng kapanatagan at kasiyahan ng kalooban anuman ang mangyari sa ating minimithi dahil ang ating Panginoon ay ang ating Tanging Yaman.