home
partner
search

aTY 1st Anniversary

Happy  1st Anniversary ang Tanging Yaman!

namamasko po!

namamasko po!

Magandang araw po sa inyong lahat! Masayang masaya ako sa araw na ito, dahil ito ang unang araw na isinilang “ang tanging yaman”. Lubos ang aking pasasalamat kay Big Bro. na isinilang niya ito para makapag bigay ng liwanag at inspirasyon sa mga taong naglalakbay sa madilim na daan ng buhay, makatulong ng simple at maipadama ang Kanyang presensya sa mga taong may kakaibang sakit at sa mga taong nakakaramdam na sila ay nag-iisa sa kanilang pinadaraanan sa buhay.

Sa kabila ng napakarami kong pagkukulang, sa aking pagtalikod sa Kanyang tawag noon ay hindi Siya nagsasawang ako ay gabayan at kalingain. Kaya naman lubos ang aking pasasalamat kay Big Bro. at kay Ina’y Maria. Nagpapasalamat rin ako na binigyan ako ng pagkakataon na kahit dito at sa pamamagitan ng pagtulong ko sa aking kapwa ay mapaglingkuran ko Siya. Salamat at kahit papaano ay nakapag sponsor ako ngayong taon ng tatlong simpleng soup kitchen at makapagbigay ng konti sa mga taong nasa “hands of friendship”.  Kulang pa siguro ang aking ginawa kumpara sa pangangailangan ng aking kapwa at sa kabutihang pinapakita ni Big Bro. sa akin.

At syempre, Sa inyong lahat na aking mambabasa na naging mga kaibigan, maraming maraming salamat po sa inyong pagsuporta at walang sawang pagsubay-subay sa “ang Tanging Yaman”. Sa iba’t ibang blogger at blogsite na nagbigay ng pagkilala at parangal sa akin at sa aTY…maraming salamat po! Ang pinaka magandang regalong aking natanggap ay nadagdagan ang aking mga kaibigan.

Marami pa akong pangarap sa aty, gusto ko pang lumawak ang sakop nito at naaabot pero hindi sapat at limitado lang ang aking pondo kaya ipahintulot nyo po sanang makapaglagay ako ng donations button para sa page na “Hands of Friendship para mas marami pang matulungan at ang matitira ay para sa maintenance ng aty. Sa tuwing aking nakikita at nababalitaang nadagdagan ang mga may sakit, walang makain, walang matitirhan, mga taong naghahanap ng pang-unawa sa kanilang pinagdaraanan. Kailangan kong kumilos at sila ay abutin at tulungan para maiwasang sila at kanilang mahal sa buhay ay tuluyang lumayo at malimutan na mayroong Diyos na nakikinig sa kanilang panalangin at hinaing.

Anuman tulong ay labis naming ikatutuwa at bahala na po si Big Bro na gumanti sa inyong kagandahang loob.

Ipagpaumanhin nyo kung minsanan lang ako makadalaw sa inyong blog, hindi makareply sa inyong comment. Sa ngayon ang inyong lingkod ay dumadaan sa isang krisis at kailangan magtipid…sarling sikap ang trabaho ko ngayon..minsan meron,minsan wala. Umaasa lamang sa Kanyang dakilang awa at grasya. Salamat na lang andyan Siya palagi ang aking Tanging Yaman para ibigay ang aming pang araw-araw na pangangailangan.

God bless us all more this coming year 2010!

In prayer with Mary,

sandi

signature sanditour
forum

Ang Regalo ng Sanggol

Simula noong September 5, 2007, Matagal ng hindi nakikita ni Kristina ang kanyang anak na si Katie,ang araw na nalaman niyang hindi na pumapasok sa kolehiyo ang 19 yrs. old niyang anak. Isang argumento ang nangyari sa pagitan ng mag-ina ng araw din iyon at naging dahilan para lisanin ni Katie ang kanilang tahanan at nagwikang ayaw na niyang makita pang muli ang kanyang ina.

Simula noon umaasa na lang si Kristina sa mga kaibigan ng kanyang anak para siya ay balitaan kung ano ang kanyang kalagayan at kung saan siya naroroon. Pero, wala siyang lakas ng loob para ito ay personal na kamustahin, araw-araw niya itong sinasama sa kanyang panalangin, dahil naniniwala siyang darating din ang araw na pakikinggan siya ng Diyos. Lagi niyang ipinagdarasal ang araw-araw na buhay ng anak, ang kanyang kalusugan at kaligtasan, ang kanyang pagkatao, ang kanyang araw-araw na panggastos, ang kanyang pamumuhay. Madalas, lagi niyang ipinagdarasal na magkaroon ng isang instrumento sa buhay ng anak para ito ay umuwi sa kanilang tahanan at ibalik ang masasayang sandali ng kanilang buhay. Pagkatapos ng kanyang panalangin, nakadarama siya ng kasiguruhang ito ay pinakikinggan ng Diyos at matutupad sa Kanyang panahon.

Isang hapon ng November, 2009. May kumatok sa pintuan ng bahay ni Kristina, ng kanyang buksan, siya ay nagulat ng makita ang kanyang anak at karga-kargang sanggol sa kanyang braso. Hindi napigilan ni Kristina na iunat ang kanyang dalawang braso para yakapin ang nagbalik na anak at ganon din naman si Katie na niyakap ang ina ng kanyang kaliwang braso habang karga ang sanggol sa kanan. Kumawala lamang sila sa kanilang pagkakayakap ng simula ng umiyak ang naiipit na sanggol sa kanilang pagitan.

Ipinakilala ni Katie ang sanggol sa kanyang lola. “Anak ko po, Kristina rin po ang kanyang pangalan.” wika ni Katie. Tuwang-tuwa binuhat ni Kristina ang kanyang apo at lakas loob na nagtanong sa kanyang anak habang karga-karga ang natutulog na apo. “Bakit mo naisipang umuwi sa ating tahanan?”

“Pagkatapos kong isilang si Kristina, alam kong palagi mo akong ipinagdarasal, dahil sa tuwing pagmamasdan ko ang mukha ng aking anak, naririnig kong nagsasalita ang Diyos sa aking puso. Lagi Niyang ipinaalala sa akin na mahal na mahal mo ako higit pa sa pinakikita kong pagmamahal sa aking anak.” Lumuluhang wika ni Katie.

Habang karga-karga pa rin ni Kristina ang kanyang natutulog na apo, ang naging instrumento at sagot sa kanyang panalangin, “Maraming salamat sa iyo apo!” bulong sa maliit na tenga ng sanggol.

“Ang presensiya ng Diyos sa ating buhay, ang ating presensiya at oras sa ating mga mahal sa buhay at sa mga taong nangangailangan, ang magpatawad at patawarin, ang pagbabalik-loob ay mga natatanging yaman hindi kailanman kayang pantayan ng anumang bagay dito sa mundo.”- kuya sandi

signature sandi
rss

Ang Tunay na Katanyagan

Sa tatlong taong magkasunod, tumanggap nanaman si Noel ng parangal bilang best broadcast news anchor. Empleyado ng ABMA broadcasting company sa loob ng labinglimang taon, nag-umpisa at nagsumikap sa kanyang trabaho bilang isang reporter, mula sa mga mahihirap na assignments hanggang sa maabot niya ang kanyang estado ngayon, isang kilalang news anchor. Saan man siya magpunta, hindi pwedeng walang makakakilala sa kanya at walang babati dahil sa kanyang natatangap na parangal.

Pinipilit ni Noel na huwag ipasok sa kanyang ulo ang kasikatang kanyang tinatamasa ngayon, pero minsan mahirap gawin. Halos lahat ng kanyang mga kasama sa trabaho ay nagsusumikap para makamit ang kasikatan at pagkilala sa kanilang propesyon, at hindi sila nagdadalawang-isip na maka-apak ng iba para ma-una lang. Kahit na si Noel ay biktima ng mga ganitong pangyayari, ang minsan ay ikaw ay apakan at tirahin kapag ikaw ay naka-talikod ng mga taong itinuring mong kaibigan. Araw-araw palagi siyang nanalangin at humihingi ng tulong na siya ay turuang manatiling maging mapagkumbaba.

Ginawa ni Noel na maging iba ang kanyang pananaw sa buhay sa paglilingkod sa mga batang maysakit sa ospital ng kanilang lugar. Ang kanyang naramdaman at nakikita sa mga batang maysakit na nakakaranas ng paghihirap at dagok sa kanilang buhay, ang nagsisilbing kanyang gabay para makita ang lahat ng bagay. Ang katapangan at pag-asang pinakikita ng mga bata ay nagsisilbing inpirasyon sa kanya, at minsan naiisip niyang humingi ng kanilang mga autograph.

Isang hapon, habang siya ay pumapasok sa kuwarto ng mga bata, may isang bagong pasyente ang nagwika sa kanya, “di ba sikat ka”?

“Hmmm..hindi naman!” wika ni Noel.

“Alam ko sikat ka,” ang pilit ng batang lalaki. “Maraming nagkukwento sa akin dito na ikaw ay magaling sa larong chess. Pwede bang maka-laro kita?”

“Sige, sige laro tayo!” wika ni Noel. Habang humihila ng dalawang silya at lamesa, winika niya sa kanyang isipan, maraming salamat po Panginoon, sa pagtuturo mo sa akin kung ano ang mahalaga at makapagpapa-saya sa iyong kalooban.

signature sandi
home

Sino ang Iyong Inspirasyon?

“Brothers and sisters, none of us lives for oneself, and no one dies for oneself. For if we live, we live for the Lord, and we if we die, we die for the Lord. So then, whether we live or die we are for the Lord.” -Romans 14

May mga taong nagbibigay inspirasyon sa napakaraming tao sa pamamagitan ng kanilang mga gawa. Tayo ay pwedeng humanga sa mga leader, athletes, scientist, geniuses, authors, actor and actress, artists.
Sinuman taong sinusubukang lagpasan ang kakayahan ng kanyang sarili ay nakakapukaw sa ating pansin at mapa-isip. Pinaparamdam sa atin na ang limitasyong binibigay natin sa ating mga sarili ay maari din nating malagpasan.

I admire people from all walks of life, Ang pagka-kawanggawa ni Mother Teresa na maraming hinipong mga tao, ang kadakilaan ni St. Francis of Assisi, ang mga relihiyosong nagbuwis ng kanilang mga buhay para ikalat ang Kristyanismo sa buong mundo. Ang mga taong iniisip muna ang kapakanan ng iba kaysa sa kanyang sarili, tulad na lang ng mga taong sinuong ang panganib, naglaan ng panahon at oras nitong mga nakaraang kalamidad para lang makapag salba ng buhay, makapagdala ng gamot at pagkain. Ang mga taong ipinaglalaban ang pagpapahalaga sa buhay, kalayaan at karapatan ng bawat nilikha, si Nelson Mandela, sina Mahatma at Indira Gandhi, sina Ninoy at Cory Aquino at ang ating mga bayani.

Ang aking pinaka-mamahal na nanay at tatay ay nagsisilbing inspirasyon sa akin. Ang kanilang kasipagan, katapangan at walang hanggang pang-unawa ang siyang nagbibigay sa akin na magtiwala sa aking sarili at kakayahan. Ako rin ay humahanga sa ibat-ibang tao, sa aking mga kaibigan, kapwa blogger na sa pamamagitan ng kanilang pagsusulat at iba’t ibang sariling paraan ay unti-unting tinataas ang antas ng pagpapahalaga at pag-kalinga sa lahat ng buhay na binigay ng Diyos.

Sino ang nagbibigay inspirasyon sa iyong buhay? Nawa’y ang mga hinahangaan natin ay hindi lang magsilbing ating idolong tinitingala kungdi magsilbing paalala sa ating kakayahan. Hindi nating kailangan gumawa ng extra ordinaryo para makapa mamuhay ng extra ordinaryo, hindi natin kailangan ang iba’t ibang pananaw ng mundo sa lahat ng ating ginagawa para ito ay maging mahalaga. Ang ating pagpapahalaga sa paglago at pagbabago bilang indibidwal ang siyang importante.

Sino ang iyong inspirasyon?

Para sa mga hindi pa nakikita ang videong ito: you are the light

signature sandipartner
search

Kwentong Ondoy

Sa totoo lang, ngayon lang ako nakaranas ng ganitong klaseng baha kahit na ang baha ay hindi iba sa akin, bata pa ako ay namulat na ako sa ganitong pangyayari ngunit ang katatapos na baha ay sadyang kakaiba sa aking mga naranasan..para bang may pinapahiwatig. Ito rin ay nagbigay sa akin noong una ng takot at pangamba. Salamat na lang at buo ang aking pagtitiwala sa ating Diyos.

Ang aming lugar (Pinagbuhatan) ay talagang sadyang bahain lalo na’t sa ganitong mga buwan at mataas ang tubig sa lawa ng laguna.
Kahit na ang mga mananakop na kastila ay naransan ito pagkatapos na unang magtayo ng simbahan dito sa aming lugar, ng maranasan ang ganitong pangyayari nilipat nila ang simbahan sa kabayanan ng pasig na ngayon ay may titulong Immaculate Conception Cathedral at kaya ang aming lugar ay tinawag na Pinagbuhatan dahil sa pinagbuhatan ng malaking simabahan. Konting history po.. :)

Eto naman ang aking kwento baha:

Tatlong araw pagkatapos kong mai-post ang Liwanag sa Gitna ng Bagyo, naranasan ko ang ibang naisulat ko rito.

Sabado ng umaga habang naka-upo ako dito sa harapan ng aking computer ng biglang makadama ako ng malamig sa aking paanan, ng aking makita, isang umaagos na tubig mula sa biyak ng aming sahig na semento. Dali-dali akong tumayo at tinanggal ang mga kable sa aking computer at inilagay sa tingin ko ay hindi na aabot ang tubig baha. Nilipat ko rin ang aming tv, tv rack, sopa kung saan nakalagay ang aking computer at nilagay ko sa ibat-ibang plastic bag ang aking mga gamit.

Mag-tatanghalian na rin ng matapos ako sa aming pagtataas, sa mga oras na iyon wala pa rin tigil ang malakas na ulan pero naging kampante na ako na hindi na tataas ang tubig at aabutin ang lahat ng aming tinaas. Ngunit nagkamali ako, patuloy pa rin ang pagtaas ng tubig kaya nilipat ko muli sa pangalawang pagkakataon ang aming gamit sa mas mataas na lugar.. kinuha ko ang aming lamesang kainan at doon pinatong ang computer at tv.. kumuha ako ng mga monoblock chair at doon pinatong ang aming mga sofa. Pinatong namin sa apat na LPG tank na walang laman ang aming ref. sa pag-aakalang hindi na ito aabutin. Ang isa pang aking ina-aalala ng mga oras na iyon ay aking mga aso na malapit ng abuting ng tubig ang kanilang kinalalagyan, kaya kumuha ako ng katre at doon nilagay ang aking mga aso.

Alas Dos ng hapon wala pa rin tigil ang malakas na ulan, ang balat ng aking daliri sa paa at kamay ay kulubot na sa matagal na pagbabad sa tubig. Naka-ilang basong kape yata ako sa mga araw na iyon. Kailangan ko naman tulungan mag-taas ng kanilang gamit ang aking kapatid na nasa kabilang kalsada at ibang kamag-anak.

Alas-kuwatro ng makabalik ako sa aming bahay. Ganun pa rin kalakas ang ulan, hindi pa rin tumitigil ang pag-taas ng tubig at maagang nagdidilim ang buong paligid. Ang katreng pinaglalagyan ng aking mga aso ay inabot na ng tubig, walang tigil ang kanilang kahulan. Ang lamesang pinaglalagyan ng aming tv at computer ay malapit ng abutin ng tubig at ang ang LPG tank ay nagbabadyang lumutang at ilang sandali ay pwede nilang ibagsak ang aming Ref.

Kaya, wala na kaming pagpipilian kungdi ang ilagay ang aming gamit sa 2nd floor ng aming bahay. Ang mga gamit na hindi kasya sa hagdanan ay naiwan sa 1st floor at tuluyan ng nalubog ng tubig. Ang aking mga aso ay isa-isa kong pinalangoy at binuhat paakyat sa 2nd floor ng aming bahay at nilagay sa aking kuwarto.

Our house after one week

Our house after one week

Ng sumapit ang gabi, ang buong paligid ay nabalot ng kadiliman dulot ng sama ng panahon at walang kuryente. Ang malakas na ulan ay humina at unti-unti na rin tumitigil ang pagtaas ng tubig. Tahimik na tahimik ng gabing iyon wari bang ang lahat sa aming lugar ay napagod sa pagsalba sa kanilang mga gamit. Ng gabing iyon, kami ay magkakasama lahat ng aming pamilya, mga aso at pusa sa 2nd floor ng aming bahay at sa aking pagtulog, ako ay umaasang sa aking pagka-gising wala na ang tubig bahang pumasok sa aming bahay.

Sa loob ng kalahating araw ng sabadong iyon umabot ng apat na pulgada ang lalim ng tubig sa loob ng aming bahay, sa kalsada ay limang pulgada ang lalim. Ang tubig baha ay nawala at naibalik ang kuryente sa amin lugar pagkatapos ng tatlong linggo.

children who live near our house and stayed outside their houses during the flood..

children near our house and lived outside their house during the flood..

children who live near our home and stayed at the roof of their houses during the flood

children who live near our home and stayed at the roof of their houses during the flood

DSC08502

signature sanditour
forum

Sa Kanyang Kandungan

“Hindi ka na makakalakad.” ang sabi ng doktor sa isang dalawampu’t walong taong gulang na babae. Nabangga ng isang malaking truck ang kanilang sinasakyan na naging dahilan para maparalisa ang ilang bahagi ng kanyang katawan. Minsan ay nasabi niya sa Panginoon, “hindi ko na matuturuan ang aking mga estudyante sa elementarya, hindi na makalilikha ang aking kamay ng magagandang sining, makatutugtog ng piano at gitara. At nawalan na rin ako ng kalayaan, palagi na lang akong aasa sa tulong ng ibang tao at mga kagamitan para ako ay makakilos.”

Kahit sa kanyang pagkakahiga o habang naka-upo sa wheelchair, Palagi niyang kinakausap ang ating Diyos at minsan ay kanyang natanong “Bakit nangyari sa akin ito? Paano na ang aking buhay ngayon? Wala na..tapos na ang aking masasayang araw! Wala akong magawa sa aking sarili at sa ibang tao. Ang nagagawa ko lang ay maupo maghapon.”

Kahit na minsan ay nangingibabaw ang kalungkutan dahil sa kanyang sinapit, sa pamamagitan ng grasya ng Diyos,tulong ng kanyang kapamilya at kaibigan nagpatuloy siyang naniwala na mahal siya ng ating Diyos.Naniniwala siya na gagamitin pa rin siya ng Panginoon.

Muli siya ay nagdasal, “Lord, ituro mo sa akin kung paano ko malalamang mahal mo ako?”

Ilang buwan ang lumipas pagkatapos niyang sabihin ito sa ating Panginoon, dumalo siya sa isang pagtitipon ng mga may kapansanan at doon ay may nakilala siyang isang batang babaeng paralisado at hindi makapag-salita. Sa tuwing ito’y kanyang makikita, ang batang babae ay palaging nakangiti habang nakasakay sa kanyang wheelchair at tinutulak ng kanyang mabait na kasama.

Habang nagpapahinga ang dalawa sa gawain ng pagtitipon, hindi niya maiwasang isipin kung paano nakikita ng bata ang kanyang sariling buhay na maghapong naka-upo sa wheelchair, samantalang ang ibang bata ay naglalaro at nagtatakbuhan.

Kanyang tinawag ang kasama ng bata at sinabi, “Maaari ko bang siyang maiupo sa aking kandungan?

“Oo naman” sagot ng kasama ng bata, At dahan-dahang nilagay ang bata sa kanyang kandungan. Maya-maya tumingin sa kanya ang bata para sulyapan ang kanyang mukha. Sa oras na iyon nakaramdan siya ng pagmamahal at habag sa bata.

Siya ay tahimik na nagdasal sa Panginoon. “Lord, bakit ganito ang aking nararamdaman? Bakit ako nakakaramdam ng pagmamahal sa batang ito samantalang wala naman siyang ginagawa sa akin kung hindi ang maupo lamang sa aking kandungan?’

Sa ilang saglit, may diwang pumasok sa kanyang isipan. “Ganito ang Aking pagmamahal sa iyo.”

Sa mga oras na iyon naalala niya ang kanyang dasal sa Panginoon, kung paano mararamdaman ang pagmamahal ng Diyos. Siya ay pinakinggan at tinugon ang kanyang dasal sa pamamagitan ng munting batang naka-upo sa kanyang kandungan. Natutunan niya, na ang ating Diyos ay hindi tinitignan kung ano ang ating kayang gawin at hindi kayang gawin, basta naroroon lang Siya para tayo ay Kanyang mahalin at makasama.

rss

Ang Tanging Yaman

Dalawang dekada ang lumipas, Pumasok sa aking isipan ang salitang “Tanging Yaman” ng ako ay isang aktibong choir member pa lamang sa aming simbahan. Isang kantang sinulat ni Fr. Manoling Francisco,heswita. Nagbigay  inspirasyon sa akin ang kantang ito, para sa aking araw-araw na pakikipagsapalaran sa mundong aking ginagalawan. Ang mga salitang ito ay nagsilbing paalala sa akin na huwag akong maghangad ng labis, ang huwag maiingit. Umasa lagi at magtiwala sa Kanyang kalooban at pagpapala, dahil Siya ang mas nakakahigit, sa Kanya lahat nagmumula ang lahat dahil Siya ang ating Panginoon, ang ating Tanging Yaman.

Matagal ko na rin pinangarap na makapagtayo ng isang sariling negosyo na ang pangalan ay “Tanging yaman” bilang pasasalamat sa lahat ng biyayang Kanyang binibigay. Dumaan ang maraming taon wala akong negosyong napundar dahil walang sapat na kapital. Ngunit may iba palang plano ang ating Diyos, ang plano pala Niya ay magbigay ako ng inspirasyon sa mga kagaya kong minsan ay hinahanap Siya, sa mga taong nabibigatan sa kanilang dalahin, sa mga nag-iisa, sa mga taong maysakit at walang sapat na pampapagamot at sa mga taong nagugutom.

Labis akong natutuwa na nagamit ko ang salitang “Tanging Yaman” para Siya ay aking parangalan at magbigay ng inspirasyon sa inyo at sa ibang tao. Ito ay isang katuparan ng aking mga pangarap. Nawa’y ang pagpapala ng ating Panginoon ay palagi nating madama.

God bless us all!

home

Marina

Nagkataon pero totoo. Ibahagi ko po sa inyo ang isang kwento ng aking isang kaibigan na nilagay ko na lang sa pangalang “marina”.

Sa maraming taon ng paghihintay at paghahanap, Ang “40 yr. old” na si Marina ay hindi pa ring natatagpuan ang kanyang “knight and shining armor.” Handa na niyang tanggapin na baka hindi na siya makapag- asawa, pero mayroon siyang hangarin sa kanyang puso na magkaroon ng anak.

Ang kanyang mga kaibigan ay sinabihan siyang mag-ampon na lamang, ngunit nag-aalinlangan si Marina sa sinabi ng kanyang mga kaibigan. “Alam kong maraming mga batang naghahanap ng bagong tahanan, pero kaya ko kayang mahalin ang batang hindi ko kaanu-ano?” tanong ni Marina sa kanyang sarili. Nalaman niyang may outreach na gagawin ang kanyang mga kaibigan sa isang ampunan sa manila, sumama si Marina na umaasang magiging malaking tulong ito sa kanyang pagdedesisyon.

Natulala si Marina ng makita niya ang bahay ampunan, ang mga bata, ang mga sanggol na may sakit at iniwan ng kanilang mga magulang. Nakatawag ng pansin kay Marina ang isang payat na batang babae, na mayroong napakagandang mata. Halos ilang oras din ang lumipas bago niya napalapit ang bata sa kanyang tabi.

“Anong pangalan mo?” tanong ni Marina.
“Marina po,” malambing na sagot ng bata.
“Pangalan ko rin yan ah!” tuwang tuwa wika ni Marina.
“Ilang taon ka na?” tanong ni Marina.
“Pitong taon na po”, sagot ng bata, sabay bilang ng pito gamit ang kanyang daliri.

Tuwang-tuwa si Marina sa bata at dahan-dahan niya itong niyakap. Sa oras na ‘yon, alam ni Marina na Siya at ang magandang batang ito ay magsasama  sa parehong pangalan at isang pamilya.

Sa ating Panginoon walang nagkataong sorpresa. Ang bawat pangyayari sa bawat minuto ay Kanyang inaayos.

partner
search