Ang araw ay maaliwalas ng hapon ‘yon, kokonti lang ang pumapasadang jeep sa kalsada na para bang nakaka- panibago sa akin, dahil nasanay na ako sa matrapik at mausok na kalsada. Galing ako noon sa FEU kung saan ako nag-aaral ng kolehiyo. Ang petsa noon ay Ika-22 ng Enero, 1987.
Malapit na akong kumaliwa sa may Legarda papuntang Gastambide kung saan naroroon ang sakayan ng jeep pa-diretsong Pasig, napansin kong may nagrarally sa may paanan ng mendiola(ngayon ay chino roces na), natawag ang pansin ko dahil hindi sila ang palagi kong nakikitang nagrarally sa mendiola, sila ay mga magsasaka na hinihingi ang katuparan ng reporma sa lupa. Ang kapansin-pansin pa sa kanila ay halos karamihan sa kanila ay naka-tsinelas lamang. Tahimik naman ang nagrarally noong nakita ko sila, may nagsasalita sa harapan nila. Ang lahat ay payapa naman sa tingin ko noon, ngunit ang hindi ko pala alam na ilang minuto pa ang lilipas ay isang pangyayaring malalagay sa kasaysayan ng Filipinas.
Dumating din ako sa wakas sa abanagan ng jeep, mahaba ang pila ng mga sasakay, naipon dahil wala pang jeep na dumarating. Maya-maya habang ako ay nakapila, may biglang pumutok ng malakas, ilang segundo pa sunod-sunod na putok ang aming narinig, ang pila sa abangan ng jeep ay nawala.
Nakisabay ako sa ibang taong nagtatakbuhan papuntang Mendiola para alamin ang nangyari, nakita ko doon ang napakaraming katawang sa hanay ng magsasaka ang nakahiga sa paanan ng mendiola, hindi ko alam kung buhay pa sila o hindi, yung isang mama ay nakita kong hinihila nya ang kasama nyang tinamaan siguro ng baril papalayo ng mendiola, ngunit kahit siya ay hirap sa paglalakad. Taong gumagapang para makalayo, napakaraming tsinelas na naiwan mula sa mga magsasakang tinamaan ng baril at sa mga nagtakbuhan. Naawa ako, naiinis sa mga taong gumawa n’on sa kanila at nakakaramdam na ng takot n’ong mga oras na ‘yon.
Bumalik ako sa abangan ng jeep para maka-uwi na, akala ko ay tapos na ngunit hindi pa pala. Sa hindi kalayuan napansin namin na may papalapit na jeep ng army papunta sa lugar namin. Kanyang-kanyang takbuhan at tago, ako nakakita ng isang bukas na pinto kaya doon ako pumasok, bakery pala ‘yon. Ang daming tao sa loob ng pinagtaguan ko ahlos estudyante kami. Sinara kaagad ng may-ari ang pinto pagkapasok ko, hindi lang sara kungdi padlock ba mismo.
Naririnig nanamin na papalapit na ang jeep sa pinagtataguan namin, maya-maya may tumunog sa may pintuan, may usok na pumapasok sa bakery, Tear gas pala ang hinagis. Maya-maya pa punong-puno na ng usok ang loob ng bakery panay ang punas ko ng panyong basa sa aking mata. Ang hapdi ng aking mata dahil sa teargas, para akong umiyak ng isang linggong walang tigil.
Tumahimik na rin, binuksan na rin sa wakas ng may-ari ng bakery ang pinto. Lumabas ako, basang-basa ng tubig at pawis at pakiramdam ko noon lambot na lambot ako, para wala akong tuhod sa aking naranasan. Nakakita ko ng jeep byaheng Pasig, sumakay na ako para maka-uwi lang, pero lambot na lambot pa rin ako at mahapdi ang mata.
Ng maka-uwi ako sa bahay at manood ng balita.. 13 ang patay sa hanay ng magsasaka at 80 ang sugatan.
Sa ika-22 ng enero ngayon taon, gugunitain nanaman ang madugong nangyari sa mendiola. Isang madugong pangyayaring hindi pa rin alam kung sino ang dapat parusahan. Nakakalungkot!
paki click na lang po itong link para makatulong..dito
Share and Enjoy:
These icons link to social bookmarking sites where readers can share and discover new web pages.